Wednesday, January 30, 2008

Cold Turkey

Lahat ng kakilala kong tao hindi naniniwala sa ganitong uri ng pagki-quit. Malaki daw ang chance ng relapse. Pero sa limang taon kong pagki-quit-withdrawal-relapse-addiction-quit-withdrawal-relapse-addiction-quit, madami na rin akong nasubukang iba't-ibang strategies. Sa tingin ko, ito ang pinaka-effective na strategy: cold turkey. Hindi ibig sabihin na ito ang pinakamadali sa lahat ng mga sinubukan kong strategies. Pero sa ngayon, I can say, ito ang effective para sa akin. Nasusubok ang aking will power.

Ang tinatalikuran ko oras-oras ay ang pagka-alipin sa dikta ng katawan. Oras-oras na gusto kong manigarilyo pero hindi ako naninigarilyo, lumalayo ako sa state na iyon. Umuusad ako ng isang hakbang papalapit sa isang uri ng pagkalaya -- pagkalaya sa pananakop ng nicotine fixation sa aking pag-iisip. Ngayong naka-ilang araw na akong walang nicotine, mas maliwanag ang aking pag-iisip. Nararamdaman ko ang pagluwag ng aking hininga. Kapag humihinga ako nang malalalim, hindi na sumasakit ang aking base ng lalamunan. Ang sarap huminga nang malalim.

Mas lumalim ang paniniwala ko sa idea ni Paolo Coehlo na sa tamang oras, dadating ang tamang bagay-tao-pangyayari. "The universe conspires to give you your heart's desire." Dalawa ang wish ko noong Christmas noong nagsisimbang gabi kami. Taon-taon, kinukumpleto ko ang 9 na simbang gabi kasi natutupad ang mga wish ko. Kahit yung mga bagay na hindi ko pala alam na yun pala ang wish ko, natutupad. Ang 2 wishes ko noong Christmas ay:

1. Deep spiritual life
2. Boyfriend (hahaha!)

Kaya ang lungkut-lungkot ko nang may isang beses akong absent sa simbang gabi. Sumama ako kina Kuya Nelson at Ate Mabel na mamili ng mga regalo sa Divisoria. Inabot kami ng gabi sa Maynila. Naalala ko yun. Noong dumating sa akin ang understanding na hindi na kami matutuloy. Ang pakiramdam ko, dahil sa isang gabing iyon, isang taon ang mawawala sa akin. Dahil hindi matutupad ang wish ko.

Pero, mukhang hindi naman. "The universe conspires to give you your heart's desire." Something like that. Sa tamang oras, dumating ito. Ang nakatulong sa akin ay isang internet website at isang e-book na nakuha ko din sa website na ito. Bago ko iyon natunton, there was something in me na nagsasabing, "I can do it. Kaya ko nang mag-quit, this time, cold turkey: by inner strength alone."

Noong nakita ko ang website, it is God telling me, "Go on. You are on the right track." Dahil sa komersyalismo, napakadami sa internet na nagsasabing walang success sa pagki-quit cold turkey. Pero itong website na ito, ito lang ang nagsabing hindi completely true ang sinasabi ng medical community tungkol sa mabisang paraan ng pagki-quit. Sinubukan ko na ang nicorette gum. Kasi, karamihan ng mga medical sites, nagsasabi na kailangan ng nicotine replacement therapy (NRT) tulad ng nicorette gum o nicotine patch para hindi mag-relapse. Ang problema daw kasi sa mga nagki-quit ay hindi nila ma-handle ang withdrawal symptoms. Totoo ito. For the past months na nagtatrabaho ako, hindi talaga ako makapagsimulang magtrabaho pag hindi ako nakakapag-yosi. Hindi ako makapag-focus. Basically, ang sinasabi ng website na itong hulog ng langit ay: May reason kung bakit madaming sites na gan'un: nag-o-offer ng kunwari ay advise sa pagki-quit pero ang totoo ay nag-a-advertise ng produkto.

Ang may-ari ng website ay isang smoking cessation coach for the last 30 years sa Amerika. Hindi siya doktor. Parang Alcoholics Anonymous, meron s'yang mga smoking cessation clinics at tinutulungan n'ya ang mga tao na mag-quit nang hindi nag-gi-give in sa mga consumerist thinking ng medical community. Isa rin siyang nicotine addict dati at ang kanyang life passion o Personal Legend (sabi nga ni Paolo Coehlo) ay tumulong sa tao na makalaya sa enslavement ng nicotine addiction.

Hindi ko iniisip kung bakit ngayon lang ito dumating when it's been five years hindi ako maka-alpas-alpas sa cycle ng addiction-quit-withdrawal-relapse-addiction-quit-withdrawal-relapse-addiction. Naniniwala akong dumating ito sa tamang oras. "The universe conspires to give you your heart's desire." Ito ang first step sa wish kong deep spiritual life.

Cliche na sa akin ang sinasabi sa Bible na hindi ka puedeng mag-worship ng dalawang Diyos na sabay. Pero ngayon ko lang talaga ito naintindihan. Hindi ako puedeng maging smoker at the same time ay maging seeker ng spirituality. Hindi ako puedeng nagpapa-alila sa dictates ng physical desire for nicotine fix at maging spiritual na tao.

Tatlong araw pa lang ito. Maaga pa para sabihin pero malakas ang intuition ko at kapag ganitong kalakas ang intuition ko, hindi ako nagkakamali. Ito na ang huli kong pagki-quit. Ito na ang simula sa pagtahak sa mas malalim na spirituality -- moment-by-moment relationship with God-Life-Universe -- wala itong due date. Habang-buhay na kailangang pagtrabahuhan at pagsumikapan. Union. Being one with everyone.

Kung meron man akong patutunguhan, saan man ako makarating, gaano man kalayo -- sa tingin ko, magpe-persist itong emptiness hangga't hindi ko tinatanggap at binabalikan ang kung ano dapat ang aking source, kumbaga sa diver ay diving board -- ito ay ang spiritual onneness with everything.

Ayaw kong maging "holy one" o "buddha", mga other-worldly na idea sa isang taong may malalim na spirituality. Woman of the world pa rin ako. Corrupted pa rin ako. Dahil tao ako at nabubuhay ako sa mundong ibabaw at kailangan kong mamuhay kaalinsabay ng materiality ng buhay. Pero normal din naman na asaming kaalinsabay ng effective na worldly life ay magpa-usbong din ng effective na spirituality. It is a human need, to have something more than what is seen and touched. Tao lang ako at nagsusumikap lang akong maging mas makabuluhan ang aking pagiging tao. At ang simula ay maging isang ex-smoker. I have all the strength that I need but this time, I am not getting the strength from myself. I am getting it from God-Life-Universe.






Thursday, January 24, 2008

Nakapagpapabagabag

May mahahalagang tanong na bumabagabag sa akin pero ang mas nakakabagabag ay wala akong sagot sa mga tanong ko.

Panahon kasi ngayon ng mga exams sa school. Nagsisipag-aral ang mga pamangkin ko. Naalala ko ang mga panahon ng exams na nag-aaral pa ako. Simula noong grade school ako. At ang bumabagabag sa aking tanong ay ito: bakit kaya nakakatawang ikwento ang mga cheating strategies kapag may tests? Kinukwento ko ang cheating strategies ko sa mga pamangkin ko at natatawa kami. Pinakanakakatawang cheating strategy na narinig ko ay sa kapatid ko na nag-aaral ng medicine. May dance instructor sila at followers. Ang dance instructor ay ang nakapag-aral para sa exam at s'yang nagbibigay ng mga answers. Ang mga followers ay ang nasa paligid n'ya na kukuha ng answers sa kanya. Lagi daw kasing multiple choice ang type ng exams nila. Ang dance instructor ay gagawa ng mga steps at bawat step ay nag-sisignify ng isang letter. Ang left step ng left foot ay A. Ang right step ng right foot ay B. Ang right step ng left foot ay C. At left step ng right foot ay D.

Bago mag-exam, may rehearsal muna ng dance steps para mabilis na makukuha ng mga followers ang steps ng dance instructor.

Sa oras ng exam, kapag tapos na'ng magsagot ang dance instructor, gagawin na n'ya ang kanyang steps. Dire-direchong steps from 1 hanggang kung ilang numbers ang test. Kaya kailangang mabilis magsulat at magaling ang eye-hand coordination ng mga followers.

Pagkatapos makuha ng mga followers ang "steps" at nakumpleto na ang sagot (siyempre ang iba minamali nila para daw hindi mahalata), sila naman ang magiging dance instructors para kumalat ang "dance". Buong klase daw ang involved dito. May naka-toka kung ano ang pag-aaralan ng bawat isa para bawat isa ay may specialized "dance".

Naaalala ko noong pinagkukwentuhan namin ito. Tawa kami nang tawa. Aliw na aliw ang kapatid ko sa pagkukwento. Ganito din ako pag nagkukwento ng mga pandadaya ko sa exams sa school. At siguro, safe na sabihin na isa sa mga nakaka-aliw talagang pagkuwentuhan ang mga cheating strategies sa school.

Nababagabag ako ngayon sa tanong kung bakit ganito. Sigurado akong hindi lamang ako, ang pamangkin ko at ang kapatid ko ang na-aaliw sa kuwentuhang ganito. Bakit nakakatawang pagkwentuhan ang mga pandadayang hindi nabibisto? Nababagabag ako kasi madaming anak ang tanong na ito.

Una, bakit parang accomplishment ang pandadaya nang hindi nahuhuli?

Bakit pagkatuwa ang reaction at hindi guilt o pangja-judge kapag nagkukwento o may nagkukwento ng nakalusot na pandadaya?

Ito ba ay naka-angkla sa kultura ng Pilipino?

Kung naka-angkla sa sa kultura ng Pilipino, meron ba tayong problema sa values formation?

Meron na kayang mga Pilipinong sociologists or anthropoogists na nag-aral nito? (sila nga ba ang nag-aaral nito?)

Kung meron na'ng nakapag-aral, ano kaya ang kanilang findings?

Hindi ba ito puedeng sabihing national problem?

Ekonomiya ba talaga ang problema ng Pilipinas o values?

Bakit pagganda ng ekonomiya lagi ang bukambibig ng gobyerno? Hindi ba mahalaga din ang values?

Nitong mga nakaraang buwan, maganda ang pinapakita ng ekonomiya ng Pilipinas. Tayo ang nangunguna sa growth sa Asia. Wala sigurong kokontra kung sasabihin kong hindi tayo nagkukulang sa magagaling na econimists. Ang mga economists natin, nagsipagtapos sa America, sa Harvard, madami ang Cum Laude. Lahat sila nagsasabing economic growth ang kailangang pagtuunan ng gobyerno. Nagkaroon tayo ng dagdag na 2% sa sales tax (E-vat) para lumaki ang tax collection ng gobyerno. Lumaki ang revenues ng goberno hindi lamang dahil sa tax kundi dahil sa padami nang padaming remittances mula sa padami nang padaming OFW's. Meron tayong economic growth, pero bakit hindi tumataas ang kalidad ng buhay ng ordinaryong Pilipino? Mas malaki pa nga ang nawawala sa kanila dahil sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin dahil sa pagtaas ng sales tax.

Kakaunti ang alam ko sa macro-economics at gusto kong mas madaming maintindihan. Bakit gan'un? Effective ba sa pagtulong sa mahihirap ang vision ng gobyerno na economic growth sa pamamagitan ng pagtulong sa work force natin na mangibang bayan o magpapasok nang magpapasok ng foreign investors sa bansa?

Sabihin na nating dahil sa success ng gobyerno sa dalawang bagay na ito ay nagkakaroon tayo ngayon ng economic growth. Aanhin natin ang mas madaming pera kung endemic naman sa ating mga Pilipino ang dishonesty? Hindi ba mas maganda na contended tayo sa ating wants? Ang sabi sa economics, limited daw ang resources pero unlimited ang needs and wants natin. Totoo ba'ng unlimited ang needs and wants natin? Hindi ba may limit ang ating wants? Hindi ba kailangang lagyan natin ng limits ang ating wants?

Hindi ba mahalaga ding pag-aralan ang ating endemic na kultura ng pandadaya kasabay ng pagpapatuloy ng pagtatrabaho para sa economic growth? Hindi lang naman sa gobyerno merong pandadaya. Sabi ko nga, sa school, meron. Kahit sa nga mga bahay-bahay, meron. Noong nasa tindahan pa ako, may namimili sa aming nasa abroad ang kapatid. Nagpapagawa ng bahay ang kapatid n'ya sa abroad at s'ya ang naatasang mamili at magpasweldo sa mga tao. Itong namimili sa amin, kapag inuutusan n'ya akong pataasin ang presyo sa resibo para magka-cut s'ya, napapangiti s'ya. Dahil halos araw-araw s'yang nasa tindahan, naging komportable na s'ya sa amin at minsan sabi n'ya noong natanggap n'ya ang komisyon n'ya sa kuya ko, "Ayos, may pang-chicks na naman ako." At nagngitian sila ng kuya ko. At ngumiti din ako. Ano naman kaya ang magiging dating sa kanila kung hindi ako makikingiti?
Itong pandadayang ito, sa sa magkapatid na ito. Iisang bahay. Iisang pisa.

May kaibigan akong tumutulong sa business ng biyenan n'ya sa Tanuan. May tindahan ang biyenan n'ya na feeds sa palengke. Ang kuwento n'ya sa akin, sa isang araw daw maliit na ang P5,000 sa kinukuha ng anak ng biyenan n'ya sa benta ng tindahan. Kaya't araw-araw na pupunta ng bangko itong bayaw ng kaibigan ko, dalawa ang dala n'yang passbook, sa Mommy n'ya at sa sarili n'ya. Sarili n'yang ina ang kinukuhanan n'ya. Ang totoo, hindi na naman n'ya ito kailangang gawin dahil halos ibigay na nga sa kanya ang tindahan. Pero ginagawa n'ya yun at hindi n'ya yun tinatago sa kaibigan ko.

Bakit tayo ganito? Hinding-hindi ko tatanggapin na innate ito sa atin. There must be an explanation. There must be an answer.

Hindi na kailangang tumingin sa mga government officials. Sa akin na lang. Sa aking mga kapitbahay. Sa mga binibilhan ko sa palengke. We share this culture of cheating. At ang pinakanakakabagabag, we feel that sense of achievement pag nakakapanloko tayo nang hindi nahuhuli.

Sigurado akong hindi lang ako ang nakakaramdam ng sense of achievement kapag nag-u-turn ako sa no u-turn slot pero hindi ako nakita ng pulis. Bakit may sense of adventure ang pagsuway sa batas? Galit ba tayo sa authority? Meron ba tayong collective unconscious na manggoyo sa authority? Bakit parang collective unconscious sa ating mga Pilipino na isiping ok lang hindi sumunod sa batas basta't walang pulis?

Bakit kaya gan'un?

Heto na naman ako, thinking about the BIG things, ni hindi ko pa nga alam kung paano ako magtatanghalian. Hahaha. Laughter is a great tranquilizer of the agitated mind. :-)











Monday, January 21, 2008

Mga totoong tao

Kailangan ko nang magsulat kahit wala akong naiisip isulat. Siguro tungkol na lang sa Fiesta kahapon.

Fiesta sa amin kahapon. Dinayo kami ng mga kamag-anak namin sa Lucena. Mga kapatid at pamangkin ni Nanay. Madaming mga batang kahapon ko lang unang nakita -- mga anak ng mga pinsan ko. Ngayon na lang uli kami nagkasama-sama. Ang cool ng mga tiya ko at mga pinsan kong mga babae. Sila-sila ang nag-iinuman. Kung tutuusin, mas masaya ang mga kamag-anak ko sa side ng Nanay ko kasi magkakasundo lahat sila. Ang mga tiyo ko at ang mga pinsan kong lalake, pinakikinggan nila ang pinakamatanda kong tiya-- na nakisayaw sa amin kahapon. Halos lahat sila ang gaganda ng boses. Hindi na ako na-e-excite sa videoke kasi nakakasawa na at naiingayan na ako. Pero sila, nakita ko talaga ang excitement nila noong dumating na ang hiniram naming sound system at magic sing. Wala na kasing mahiramang videoke kaya humiram na lang kami ng magic sing at kumpleto pa ang sound system. Nakahiram kami sa kapatid ni Ate Mabel. Ang galing, meron talaga silang sound system sa bahay. Ang speakers nila, may tripod pa. Puede na nga silang magpa-arkila. Mobile sound system.

Anyway, ang mga taga-Lucena kong kamag-anak. Ang totoo, mas gusto ko silang kasama kesa sa mga kamag-anak ko dito sa Lipa. Ang mga tiyo at tiya ko dito, nag-aaway sila sa pera. Minsan iniisip ko, mas masaya pa ang mga kamag-anak ko sa Lucena kahit hindi sila kasing-asenso ng mga kamag-anak ko dito sa Lipa sa side ng Tatay ko. Wala nga siguro sa kanilang propesyonal at wala siguro silang mga negosyo tulad ng mga tiyo at tiya at mga pinsan ko dito sa Lipa, pero tuwing may okasyon, kita mo sa kanila na nilalasap nila bawat sandali na magkakasama kami. Hindi sila nahihiyang sumayaw kapag napapasayaw sila. Kahit mga Tiya kong mas matanda pa kay Nanay. Ang cool!! Mas nagmana 'ata ako sa side ni Nanay kesa sa side ni Tatay. Ang mga tiyo at tiya ko sa Lucena, mga magtitinda ng isda sa palengke, mas masaya kapag kami ang nagkakasama-sama sa okasyon tulad ng fiesta kahapon. Nagbabalak nga na mag-reunion. Ang saya n'un.

Gusto ko silang kakwentuhan kasi hindi nila nilalagyan ng pabango ang mga sinasabi nila. Mas gusto ko ang gan'un. Walang plastikan. Mga totoong tao. At marunong silang magsaya. Sila ang living testament na hindi naman kailangang maging mayaman para maging masaya.

Monday, January 14, 2008

Ngayong umaga

Maganda ang umagang ito. Sumisikat ang araw pero hindi nakasisilaw. Hindi masakit sa balat at mata ang sinag. Makintab at berdeng-berde ang mga puno at halaman. Kumakaway ang mga dahon, sumasalubong sa aliwalas pagkatapos ng ilang araw na ulan. Umaawit ang hangin, mga ulap at ibon ng bagong simula. Bagong-ligong sanggol ang ngiti at amoy ng lahat ng may buhay.

Puwera lang siguro sa akin.

Bagong hugas at nakabihis na ng sigla ang mundo ngunit naiwan ako sa hilata ng pag-ulan: Paano’ng babangon at magsisimula ngayong umaga at kung makapagsimula man, paano’ng makapagpapatuloy?

Kailangan ko nang maki-ayon sa kalikasan.

Friday, January 11, 2008

Diklom

Mga bagong salitang natutunan ko ngayong araw:

-- diklom
--dag-im

Dumiklom, dumag-im synonymous sa dumilim ang langit, nagkulimlim. Sa tiya ko ito natutunan kanina. Ang sabi n'ya, "Pupunta sana ako sa baba pero bigla namang dumiklom." (Ang baba ay ang bahay ng isa ko pang tiya na malapit sa creek kaya pababa ang lupa). Tinanong ko ang tiya kong kakwentuhan kung ano ang "dumiklom". Ang sabi n'ya "Dumiklom. . . dumag-im." Sabi ng Kuya ko na nand'un din, "Hindi mo alam yun? Dumiklom, dumag-im, nag-dagitab?"

Whatever. . .hehe. .

May pinsan akong umayos ang posisyon sa cruise liner sa US na namomroblema ngayong huling uwi niya. Nagsimula siya sa barko bilang isang bell boy pero na-promote siya na head ng lahat ng mga bell boy (na hindi ko natanong kung ano ang bagong trabaho, siguro, taga-utos na lang sa mga bell boy at hindi na nagbe-bell boy). Itong pinsan kong ito na biglang umasenso, namomroblema siya ngayon kasi ayaw na'ng i-renew ang contract n'ya sa cruise liner na pinagtatrabahuhan n'ya. At 'eto pa, at mas malala, nakabuntis pa s'ya ng babaeng kasama n'ya sa trabaho sa barko. Ang sabi ng mga bubwit, alam daw ng asawa ng pinsan ko ang pangyayaring ito. At namomroblema ang mag-asawa, hindi dahil sa pagtataksil ng lalaki kundi dahil sa hindi matatakasang sustento sa lumabas na unang anak (sa labas). Sa pinakahuling sagap ay 25 thousand pesos (hhhwaht!!!) kada buwan ang hinihinging sustento ng babae dahil sa pagkakatigil niya sa pagtatrabaho bilang chambermaid dahil sa paglobo nga ng kanyang tiyan. Na pinalobo nga ng aking pinsan.

Hindi ko na naman ito kailangang pakialaman pero papakialaman ko na rin. Blog lang naman ito. Lumapit ang pinsang ito sa kapatid ko at humihingi ng tulong. Umuutang ang pinsan ko para makapag-apply sa ibang kumpanya dahil nga, ayaw na ngang ipa-renew ang kontrata niya. Mapapatotohanan ito mismo ng aking sariling mga mata dahil nandoon ako sa tindahan nang nagpunta doon ang pinsan ko at mula naman mismo sa bibig ng Kuya ko nagmula ang balitang kaya napadalaw sa tindahan ang pinsan ko ay nangungutang nga sa kapatid ko itong pinsan ko. Dahil nga sa problema ng pinsan ko sa trabaho at sa babae.

Isa pang rising action, may kutob akong nag-apply si Kuya ng loan sa AsiaLink Lending Corp. isang lending corporation na ang sabi'y naka-base daw sa Maynila, para tulungan ang pinsan kong ito. Bakit ako kinutuban? Dahil tumawag sa akin ang Asialink kanina, ako mismo ang nakausap at maliwanag na maliwanag ang sabi ng babae sa kabilang linya ng telepono. Character reference daw ako ng kapatid ko sa kanyang ina-apply na loan. Sa madaling salita ay may partisipasyon ako sa naturang mga pangyayari sa buhay ng aking pinsan. Kaya't sa muling pagsisiyasat ay hindi lamang ako nangingialam dahil blog lang ito, kundi, bilang isang character reference, moral obligation ko ang makialam. Dahil nga ako ay isa sa mga kailangang sanggunihin ukol sa character ng nag-aapply ng loan na ito ngang kuya ko. Kung sakaling may narinig na hindi kaaya-aya ang loan officer ng Kuya mula sa isa sa kanyang mga character references, kung tama ang aking kutob na ito ay para sa aking pinsan, may posibilidad na hindi ma-aprubahan ang loan. May posibilidad na hindi makautang si Kuya. At may posibilidad na hindi matulungan ni Kuya ang aking pinsang namomroblema. Samakatuwid, kung hindi ako mangingialam, may posibilidad na hindi mabigyang solusyon ang pinoproblema ng pinsan ko at ngayo'y problema na rin ng Kuya ko.

Kaya't 'eto na nga't pakikialaman ko na sila. Ang pinsan ko muna. Bakit hindi n'ya inuna ang pagtatabi ng pera sakaling dumating ang mga hindi inaasahang mga pangyayari katulad nito? Bakit niya inuna ang pagbili ng magarang sasakyan?

At ang kapatid ko. Bakit hindi na lang siya humindi sa pinsan ko kung talagang napakalaki ng kanyang inuutang o wala s'yang maipapautang? Bakit kailangan pa n'yang isangkalan ang pangalan n'ya sa Lending Corp. kung totoo nga ang aking kutob na ang tumawag sa akin kaninang loan officer ay loan ni Kuya para sa pinsan ko?

At sa akin. Bakit ba napaka-judgmental ko sa mga tao? Bakit hindi ko na lang tingnan ang sarili ko? 27 years old na ako, wala pang maipagmamalaki kundi na anak ako ng Tatay kong nakaaangat nga pero wala namang kasiyahan sa buhay. Bakit hindi ako maging katulad ng iba kong mga pinsan? Maayos ang trabaho. Mga normal ang trabaho. Nagbibihis ng business attire, nagme-make-up, pumupunta sa opisina tuwing umaga (o gabi, o madaling-araw). May maipagmamalaki sa lipunan. Nakakabili na ng sarili nilang kotse. Hindi umaasa sa pa-kotse at pa-gasolina ng mga ama nila. Hindi ginagamit ang koneksyon ng pamilya para maka-una sa linya sa pagbabayad sa bangko (na ginawa ko kanina) o pag-aasikaso ng mga papeles sa mga opisina (notaryo, auditing, halimbawa). O maka-libre sa bayad sa pa-check up sa ospital. Ako, ha, may magagawa ba ako sa lipunang hindi ko ipaghihirap kung hindi ako anak ng aking ama? Ha? Ha? HA?!

Aray. . . .

Biglang dumiklom ang aking puso.

Tuesday, January 8, 2008

Paghahanap sa Kabuluhan

Nakakainis! May pumasok sa isip kong lines sa isang librong matagal ko nang nabasa na hindi ko maalala! Hindi ko maalala ang librong yun at hindi ko maalala ang lines. Shet! Pero ang sinasabi doon ay puede naman daw mabuhay ang author ng libro na hindi sumusulat pero, ito lang ang natandaan kong words, "with less scintillating joy". Hay, ano kayang book yun? Akala ko mula ito sa foreword ng poetry book ni Luisa Igloria na "Blood Sacrifice" pero ngayong tinitingnan ko, wala namang foreword ang book na ito.

Gagawin ko sanang epigram ang lines na yun sa entry ko na ito. Well, that's life. Matutunton ko din yun sa tamang oras. Wala akong madaming oras ngayon para isa-isahin ang mga libro ko.

Naisip ko lang (at kailangan kaagad isulat para hindi mabulok) na naiintindihan ko na ngayon ang sinasabi ng author na yun (kung sinumang author siya at kung anumang libro n'ya). Kung nakita ko yun, yun din mismong lines na yun ang sasabihin ko ngayon. Totoong kaya kong mabuhay nang hindi nagsusulat. Ilang taon akong hindi nagsusulat. Napakadaming beses na tinangka kong magsimulang magsulat pero sa tuwing kaharap ko na ang journal o papel, o tissue, o dingding -- blangko. Wala akong maisulat. Ang pakiramdam ko noon, wala akong maiisulat dahil wala namang kabuhay-buhay ang aking buhay: magpapakapagod sa trabahong hindi ko pinaniniwalaan at magpapahinga para magpakapagod uli. O kung hindi naman magpapakapagod ay magpapakontrol sa restlessness ng utak o sa pagkasura sa sarili o sa paghihintay sa mga pangyayaring walang kasiguruhang makakarating. Nagalit ako sa pagsusulat dahil hindi niya ako inaruga. Pinabayaan n'ya ako. Hinayaan n'ya akong maligaw. At ngayon, naisip ko, na isa ito sa pinaka-childish, selfish, egoistic kong pananaw. Kinukurot ako ng mga salitang: "Ako ang may katawan; ako ang tao. Ako dapat ang umaaruga sa aking pagsusulat." At nakakagising ang kurot na ito.

Kung ako ay isang Greek tragic hero, ang isa siguro sa mga character flaws ko ay inconsistency (siguro kung tragic hero ako, namumutakti ako ng character flaws kaya't hindi siguro ako magiging magandang character sa isang Greek tragedy dahil dadami ang sub-plots) Marunong naman akong magmahal ng isang ideya. Kaya kong magbabad sa init ng araw, magputik, magdukal ng lupa, magtanim ng ideya. Pero kung sumibol na ang ideya, 'eto na ang problema. Lagi-lagi kong iniiwan, pinapabayaan, hindi dinidiligan. Malimit, nalulunod ako sa kaligayahan sa pagsaksi ng pagsibol at napapako ako sa pagpapalaki hindi ng ideya kundi ng aking ego dahil masyado akong nagandahan sa ideya (Lecheng ego, patayin!!) Kung hindi naman, nagpapatangay ako sa hanging nagsasabing "Wala naman 'yang kuwenta." Masamang hangin ang nagsasabi n'un at tanga akong nagpapagoyo dahil walang anumang bagay na umusbong sa pagmamahal na walang kuwenta. May kabuluhan ang lahat na nagsimula sa pag-ibig.

Isa akong taong mapaghanap sa kabuluhan. Hindi ko alam kung bakit, siguro hindi lang ako nagtatanong, siguro lahat ng tao ganito. ( O siguro dahil Libra ako -- ang convenient answer sa tuwing wala nang ibang maisip)
Siguro, mas tama ang una kong sinabi.

Kung anumang dahilan, malinaw na malinaw, bumabatingaw,
ngayong tanghaling tapat
ang kabuluhan para sa akin ng pagsusulat:

Sa tuwing nagsusulat ako, bumabalik ako sa aking Sarili.

Sunday, January 6, 2008

Balon

Pamilyar na pamilyar sa akin ang nararamdaman ko ngayon. Lagi ko itong nararamdaman mula pa bata sa tuwing maririnig ko si Tatay na galit at nagtataas ng boses kay Nanay. Natatakot ako ngayon kasi, kapag galit si Tatay, nagpapalamon siya sa galit. Nakakatakot ang lakas ng boses niya, ang mata niya, lalong-lalo na ang mga sinasabi niya. Tuwing galit siya, ang pakiramdam ko ay lumiliit akong maliit na maliit, nagiging isang anim na taong bata, naka-bestidang dilaw, naka-stockings na puti, pipicture-an ako ni Tatay sa unahan ng kotseng pula, at bigla s'yang nagalit, nagngitngit ang ngipin at kinaladkad ako papalayo sa kotse habang sinigawan n'ya ako: bakit daw ako umupo sa kotse. Tuwing nagagalit si Tatay tulad ngayong gabi, may parte ng aking sarili na lumiliit, bumabalik ang naramdaman ko noong walong taon ako, dumaan ako sa may paanan ni Tatay habang nag-si-siesta siya sa folding bed at bigla n'ya akong sinipa sa tiyan dahil hindi ko sinasadyang masagi ang kanyang paa at sa lakas ng sipa niya ay napaupo ako sa sahig. Wala akong napagsumbungan dahil alam kong walang mas matapang kay Tatay sa bahay. Lahat ay takot sa kanya. Siguro dapat umiyak na lang ako noon para nakalabas ang nararamdaman ko noong mismong oras na iyon. Pero hindi ako umiyak noon. Hindi lagi ako nakaka-iyak noong bata ako. Kaya siguro, ang mga hindi ko naiiyak, hanggang ngayon nandito pa sa akin. Malalim na at mahirap nang salukin. Pero kailangan pa ring salukin dahil nakakabigat at hindi nakakatulong sa paglago ko bilang tao.

Una kong Blog Entry


Meron talaga akong taglay na kaduwagan sa katawan. Duwag akong magsulat dito dahil baka may makabasa na kilala ako. Kung wala akong tinatagong masama, hindi ko kailangang matakot. Pero takot ako. Kaya't bukod sa duwag, mapagpanggap din ako at mapaglihim. Ilan nga lang bang tao ang totoong nakakakilala sa akin? Sa huling bilang ko'y dalawa lamang.

Kailangan kong turuan ang sarili kong maging totoo at maging matapang. Ito lang naman ang dahilan kung bakit ako nagsisimula ng blog. Ito, at isa pang dahilan na hindi ko masabi. Dahil nga, duwag ako. Pero dahil gusto kong panindigan ang sinabi ko kanina, sasabihin ko na. Ang isang pang dahilan ay para ipaintindi ko ang sarili. Hindi pa ito ang buong sentence, pero pinutol ko na ng period. Kasi nga hindi pa ako gan'ung katapang. At kaya nga kailangan ko ng blog na ito dahil gusto kong magsiwalat, pagbuksan ng pinto ang matagal nang nakakulong, katulad ng pagbubukas ni Pandora sa kanyang kahon. Maraming naimbak sa loob na kailangan nang lumaya.

Magpapalaya ako dito, magpapakatapang, magsisiwalat at magpapakatotoo sa abot ng makakayanan.