Thursday, January 28, 2010

Biglaan

Sabi ko sa isa kong kaibigan n'ung huli naming pagkikita, mas effective sa akin ang mga bagay-bagay pag biglaan. Noong huli kong mag-quit magyosi (na naging successful nang mahigit 2 taon na ngayon) ginawa ko yun nang biglaan. Cold Turkey.

Hindi pala lahat ng bagay makukuha sa biglaan. Binigla ko ang sariling magpaka-healthy living ngayong linggo. Binalak kong mag-detoxify. Sinimulan ko noong Lunes. Ang sama na kasi ng pakiramdam ko sa sarili ko. Hindi na ako komportable sa katawan ko. Ang bigat-bigat ko ng kumilos.

Sabi ko sa sarili ko, kailangang magbago na ako ng lifestyle. Kailangang i-jumpstart ang healthy lifestyle sa pamamgitan ng detox diet. Noong Lunes, prutas at gulay lang ang kinain ko. Sabi ko sa sarili ko pagkatapos ng isang araw, kaya kong nasa detox diet na ganun hanggang Biyernes. Pagkatapos nun, magiging ok na ang eating habit ko. Kinabukasan, may tonsilitis at may lagnat ako.

Ang una kong naisip, normal lang yun pag nagdedetox dahil ang ibig sabihin n'un ay nagsisimula ng lumabas ang mga toxins. Yung mga toxins na nakuha ko sa sigarilyo dati, lumalabas na ngayon kaya ako nagka-tonsilitis. Sobrang taas ng lagnat ko noong gabing yun.

Miyerkules nang umaga, nagtext sa akin ang kapatid ko, pinapauwi ako ng Lipa kasi may mga dokumento daw na kailangang pirmahan naming lahat. Malakas ako kay Kuya eh at mahina ako sa goal setting. Umuwi ako ng Lipa kahit sabi ni Kuya, magkita na lang daw kami sa Alabang para dun ko pirmahan.

Masama na rin talaga ang pakiramdam ko. Humihina ba talaga ang resolve ng tao pag may sakit sya? Bilib talaga ako kay Gandhi!

Umuwi ako at kumain ng lomi pagdating sa Lipa. Tapos nag take-out ng relyenong bangus at sinigang na maliputo ang isa kong kapatid.

So much for detox diet.

Kung may isa akong natutunan sa nangyari, yun ay wag magmadali.

Tutugtog sana ako ng organ kanina. Habang binubuksan ko ang organ, naisip kong ang tagal ko na palang hindi tumutugtog. Sabi ko sa sarili ko, babalikan ko ang pinag-aaralan ko dati n'ung huli kong binuksan ang organ. Nag-aaral ako dating kumapa sa organ.

May binili akong book noong nagbakasyon kami sa U.S. How to Play from a Fake Book ang title. Step-by-step guide iyon para matuto kang mag-improvise sa organ o keyboard o piano kahit na ano'ng kanta.

Sabi ko sa sarili ko kanina, mag-aaral na ulit ako nun. Bigla kong nakita ang sarili kong nagmamadali na naman. Gusto ko agad matutunan ang buong libro, excited na akong makapunta sa Chapter 2, ni hindi ko pa nga nagagawa ang exercise sa Chapter 1.

Heto ang divine intervention. Tuwing may dilemma ako, tanong o problema, lagi na lang may tao, pangyayari, libro o pelikulang nangyayari para magpa-realize sa akin ng bagay tungkol sa sarili ko at buhay ko. Ngayong hapon, iyon ay isang pelikula. Palabas kanina sa Cinema One ang Ina, Anak, Kapatid. Lumang pelikula na ito, ang bida ay si Charito Solis at si Lolita Rodriguez.

Siguro 70's pa ginawa ang pelikulang iyon kasi dalagita pa lang si Rio Locsin. Tuwang-tuwa ako sa character ni Lolita Rodriguez. Naglalakad siya, nagsasalita siya, tumitingin siya as if she has all the time in this world. Tuwing magdedeliver s'ya ng line, napaka-malumanay. Mas nagkaroon ng power ang character niya dahil hindi siya katulad ng character ni Charito Solis na salita na lang ng salita at parang hindi mapakali.

Idol ko na ngayon si Lolita Rodriguez. Ang isang scene lang sa movie na hindi ko nagustuhan ay yung nakipag-away siya physically kay Charito Solis. Nawala ang poise nya kasi nagulo ang buhok nya, hehe. Pero, that's just me.

Dahil sa pelikulang ito, na-relize ko na mas magagawa ko ang mga kailangan kong gawin sa araw-araw kahit gaanong kasimple kung relaxed ako at hindi nagmamadali.

Nasanay na ako sa trabaho ko. Kailangan laging nagmamadali. Pero ngayong wala na ako sa trabaho ko, puede na akong maging katulad ni Lolita Rodriguez. Haha!

Hindi kailangang magmadali. Mas may power kung steady lang, relaxed at hindi nagmamadali. Basta may consistent effort.

Consistent effort -- with prayer, kaya ko yan!

Follow Your Bliss

"All the time. It is miraculous. I even have a superstition that has grown on me as a result of invisible hands coming all the time - namely, that if you do follow your bliss you put yourself on a kind of track that has been there all the while, waiting for you, and the life that you ought to be living is the one you are living. When you can see that, you begin to meet people who are in your field of bliss, and they open doors to you. I say, follow your bliss and don't be afraid, and doors will open where you didn't know they were going to be."


Ang daling ma-inspire sa mga quotes na ganito. Sasabihin mo sa sarili mo, Yes! I can do it! I can start a new life! I can follow my bliss!

Sobrang daling sabihin. Pero grabeng hirap gawin. Sa simula masaya kasi punong puno ka ng excitement sa bago mong goals. Pero kapag namatay na ang excitement, dun papasok ang totoong committment mo.

Laging may papasok na negative thoughts. Laging matatakot ka na baka mali ang ginagawa mo. Laging matatakot ka na baka hindi ka mag-succeed.

Dadating ang mga araw na nananalo na ang mga negative thoughts at parang ayaw mo na.

Pero. . .

Hindi ako yun.

Hindi ako aayaw.

Hindi ako susuko agad kahit mahirap. Kahit malungkot.

Hindi ako titigil hangga't hindi ko nagagawa ang kailangang gawin.

Help me God.

Sunday, January 24, 2010

Fasting

Late ako ng 22 days sa pagsulat dito. Ang dami-dami kong nasulat pero hindi ko nasulat dito. Dapat dito ko sinulat ang resulta ng tatlong araw kong pag-soul searching. Dapat dito ko sinulat kung bakit ako nag resign. Dapat dito ko sinulat kung ano ang mga goals ko ngayong 2010.

Sa isang typewriting paper ko sinulat ang mga pros and cons ko sa pagreresign.

Sa email ko sa sarili ko sinulat ang mga goals ko for 2010.

Ang gulo-gulo ngayon ng utak ko. Epekto ng sobrang daming kape. Ayokong magsulat nang magulo ang utak ko. Pero sa isang banda, isa sa nakakapagpa-kalma sa utak ko ay pagsusulat. Ewan ko. Naguguluhan ako.

Alam kong mahihirapan ako. Alam kong kailangan kong magtiis. Alam kong kailangan kong mas lakasan ang kapit sa Diyos. May gagawin ako ngayong dadating na linggo para bumalik ako sa sentro.

Yung ako na sure sa sarili. Yung hindi ako natatakot kung tama ang desisyon ko dahil may tiwala akong kaisa ko ang Diyos at ang desisyon ko ay kaisa ng gusto N'ya para sa akin.

Nami-miss ko na ang ako na komportable sa sarili, walang worries kahit napakadaming dapat i-worry, maaliwalas ang pag-iisip, hindi nalilito kung ano ang gagawin, hindi alipin ng kape at iba pang sensory delights.

Doon ako papunta ngayon. Sa sarili kong kaisa ng Diyos. Sa sarili kong nagtitiwala at sinusuko ang lahat sa buhay.

Sa sarili kong may kapayapaan ng loob, kaliwanagan ng pag-iisip, bukas na puso at malinis at magaang katawan.

Doon ako papunta sa sariling iyon. Mag-dedetoxify ako ng 5 araw. Magfa-fasting. Simula bukas. Hindi ako kakain nang kahit na ano. Tubig lang, prutas at mga gulay na puedeng kainin nang hindi niluluto.

Magfafasting ako hindi lang dahil kailangan kong pumayat (kailangan ko talaga pero hindi lang dahil dito).

Magfafasting ako dahil kailangan kong tanggalin ang pagka-addict sa kape. Kailangan kong tanggalin ang pagka-alipin ko sa pagkain. Kailangang tanggalin ang pagka-alipin sa mga makamundong pagpapakasarap.

Magiging mas ok ako pag nag-fasting ako. Nakakaya ng ibang mag-fasting nang 1 linggo nang tubig lang. Makakaya kong mag fasting nang tubig, fruits at vegetables. Kaya kong magtiis. Kaya ko. Alam kong mas mapapalapit ako kay God kung tutularan ko si Jesus na nagtiis at nagfasting para magkaroon ng liwanag ng pag-iisip. Kaya ko to.