Saturday, December 1, 2012

Dahil May Biyaheng SM North-Luzon

Kahit na tinanghali ako ng gising kaninang umaga; kahit na habang lumalampas ako sa mga nagja-jogging sa Bike Lane ng Academic Oval habang sinasabi kong "Bike!" para hindi ako mag-bell at may sumagot na "Tao!"; kahit na hindi ko natapos ang pag-aasikaso sa visa requirements ko; kahit na hindi ako nakapag-gawa ng reaction paper sa pinanood naming play para sa klase;  kahit na hindi ko nadala sa pagawaan ang nirarayuma kong bike; kahit na isa't kalahating oras akong late sa klase kasi akala ko 5pm ang start katulad ng iba kong mga klase pero 3:30 pala kasi Sabado ngayon; kahit na hindi ako umabot sa pagpapa-update ng ID ko kasi sarado na ang library pagdating ko; kahit na nag-drop si B. sa klase; kahit na na-discourage na akong mag post graduate studies dahil nakita kong magkakatabi ang mga Ph. D. students sa klase kanina at naisip kong kung ganito rin lang ang magiging asal ko pag Ph. D. student na ako, ayoko nang mag-aral; kahit na dumugo ang tenga ko pakikinig sa paulit-ulit na pagtatanong ng kasama ko ng "Ok lang ba ako, ok lang naman ako, di ba?"; kahit na hindi masarap ang inorder kong pagkain sa Tokyo Tokyo;

Kahit na lahat na lang yata ng puedeng mangyaring hindi gugustuhin ng isang taong mangyari sa isang araw n'ya ay nangyari sa akin ngayong araw, at kahit na hindi ako masaya, nagpapasalamat ako para sa araw na ito.

Nagpapasalamat ako kasi nasasaktan ako.  Wala na talagang papantay pa kay Kahlil Gibran n'ung sinabi niyang "Pain is the breaking of the shell that encloses your understanding."  Kapag nasasaktan ka, nababasag ang "blissful ignorance" na pag-iral.  Nagiging in touch ka sa emotions mo.  Kanina, habang nagba-bike ako sa acad oval, tumutugtog ang "Ang Tangi Kong Pag-Ibig" sa bell sa school of music.  Bigla kong naalala si Lola Nena.  Naalala kong tinutugtog ko ang kantang iyon sa organ at nasa tabi ko siya, kumakanta.  Tuwang-tuwa siya at napapasayaw pa.  Ang pakiramdam ko noon, ako ang pinakamagaling tumugtog ng organ kasi enjoy na enjoy si Lola.  Pero ang totoo, hindi pala ako magaling.  Appreciative lang si Lola sa akin.  Madali lang talaga siyang maka-appreciate.  Natutuwa siya noon hindi dahil magaling akong tumugtog kundi dahil apo niya ako.  Hindi ko nga kailangang maging magaling tumugtog.  Hindi ko kailangang tumugtog.  Kinagigiliwan ako ni Lola kahit wala akong ginagawa.

Siguro isa itong paalala sa akin.  Ang tugtog ng "Ang Tangi Kong Pag-Ibig."  Napaka-comforting kasi ng ganung klaseng pag-ibig.  Yung hindi mo kailangang gumawa ng kahit na anong bagay.  Minamahal ka, may gawin ka man o wala.  Naranasan ko ang ganung klaseng pag-ibig sa Lola ko, sa Nanay ko, sa mga kapatid ko.  Napapagod na kasi ako.  Sa klase, kailangang magaling ang sasabihin mo sa klase para magustuhan ka ng prof.  Kailangang maganda ang paper para masabihan kang magaling.  Kailangang maganda ang concept mo pag magpe-perform ka.  Kailangang magpakitang courteous ka at thoughtful sa housemates para hindi ka masabihang masama ang ugali.  Sa pagba-bike, kailangang malakas ka at mabilis para masabihan kang magaling.  Para makakuha ng poging boyfriend, kailangang mag-effort pagpapaganda at pag-to-tone down ng pagiging feminist at pagiging malakas ang character.  Sa lahat na lang ng bahagi ng buhay, kailangang magaling ang ginagawa mo para matanggap ka.  Napapagod na ako nang ganun.

May makaka-appreciate naman sa aking tao kahit hindi ako laging enthusiastic, di ba?  May makakatanggap pa din naman sa akin kahit hindi ako sobrang masayahin, as in brimming with positivity, di ba?  Nami-miss ko nang maging sincere.  Nami-miss ko nang hindi natatakot makipag-usap sa tao, hindi natatakot na ija-judge ako at hindi kakausapin dahil apaw ako, dahil boring ako, dahil tahimik ako...

Napapagod na akong mag-extra effort para matanggap ng tao.  Ano ba ang balanseng hindi ako hyper pero hindi naman ako matamlay?  Hay, yung sinasabi nilang basta magpakatotoo ka lamang, parang ang hirap naman nun.

Anyway, nagpapasalamat ako kasi nasasaktan ako.  Dahil nasasaktan ako, biglang naghahanap ako ng "something real" sa sarili ko.  Kasi mas "real" ang pain kesa sa "bliss" (in the sense of blissful ignorance).  Kasi ang blissful ignorance, minsan, isang fantasy lang.  Ang pain, talagang pain ito, walang dudang ang sakit ay sakit ay sakit.

Dahil may sakit akong nararamdaman sa puso, nakapagsulat ako ngayon dito.  Cliche na kung cliche pero tama si Bon Jovi, "The poet needs the pain."  The writer needs the pain.  Dahil wala akong makausap na sincere, at dahil "may sakit" ako, nabalikan ko ang blog na ito.

Nagpapasalamat ako sa pagbibigay sa akin kay A. na nakakausap ko nang totohanan.  Sinasabi sa akin nang harapan ang gusto niyang sabihin.

Nagpapasalamat ako dahil naibalik sa akin kanina ang naiwan kong gift para kay Nick sa isang shop sa SM North.  Na-underestimate ko ang tao.  Nawalan kaagad ako ng pag-asa na makukuha ko pa yun.  Pero nakita ko ang binili kong gift sa counter sa tinambayan naming milk tea shop.  Kapag pala may naiwan kang gamit sa Maynila, may mga tao pa ding tapat.  Akala ko sa Maynila, everyone's for everyone.  Mali pala ako.  May mga nagtatabi pa rin pala ng mga naiwang gamit para ibigay kapag hinanap iyon.

Nagpapasalamat ako dahil may jeep na bumabyaheng SM North-Luzon.  Napangiti talaga ako nung na-realize kong sa kanto ng Congressional at Luzon ang bababaan ng mga jeep sa rutang ito.  Sa mga nangyari kasi mula kaninang umaga, ini-expect ko na na madaming hassle pag-uwi.  Ang dami-daming hindi ko nagawa ngayong araw dahil hindi ako in control sa isip ko, dahil pinapayagan ko siyang tumakbo nang tumakbo sa isip ko.  Pero nawala ang bigat na dala nang lahat ng mga blunders ko ngayong araw dahil may jeep sa SM North na byaheng Luzon.  Lahat na lang ng puedeng mangyaring hindi gugustuhin ng isang tao ay nangyari sa akin ngayong araw, pero matutulog akong nakangiti ngayong gabi kahit nasasaktan dahil sa ruta ng jeep na ito.  Mahal pa rin ako ni Lord kahit wala akong ginawang magaling ngayong araw.  :-)