Monday, March 12, 2012

Anting-anting

Kanina, habang nag-aalmusal ako, kausap ko si Maracas (not her real name). Hindi ko na maalala kung bakit napapunta kay Lola Nena ang usapan. Hindi ko na talaga maalala. Kaya kailangang isulat ko ang mga bagay-bagay.

Ituloy ko na. Eto ay kuwento lahat sa akin ni Maracas.

Pang-ilang stroke na pala ni Lola bago ang huling stroke niya kung saan naging bed-ridden siya nang 5 taon. Alam ni Lola na 5 taon siyang aalagain dahil sinabi niya yun kay Maracas noong unang taon niyang alagain siya. Paralisado kasi si Lola. Kamay at paa.

Maraming naniniwala na may anting-anting si Lola. Sa 5 taon na bed-ridden siya, madaming beses na hinang-hina na si Lola pero papainumin lang ng tubig at lalakas na uli siya. Sa mga oras na bumabalik ang lakas niya, magsisimula siyang magsalita nang magsalita nang malakas. Mura nang mura nang halos tumatagal nang 1 oras.

Sa mga ganitong mood ni Lola, inilalabas siya ni Maracas sa isang upuan at hinahayaan niyang mag-exercise nang mag-exercise sa pagmumura. Hanggang sa hihina nang hihina ang pagmumura. Ibig sabihin, napapagod na siya. Maya-maya, tatawagin na ni Lola nang malambing si Maracas.


"Maracas. . . Maracas. . . hihiga na ako."

Nasa leeg daw ang anting-anting ni Lola. Napapansin ng mga anak niya ang maliit na bukol sa kaliwa niyang leeg. Kasing-laki daw ng jolen. Noong namatay si Lola, napansin nilang wala na ang bukol na ito. Kung bakit hindi nila tinanong kay Lola ang jolen na ito at kung ano ito ay hindi ko na naitanong.

Ang hinala nila, kay Andoy na anak ni Lola (not his real name) napapunta ang anting-anting ni Lola. Ilang araw bago mamatay si Lola, napansin ni Maracas na hinang-hina siya at hindi na nakakapagsalita. Tinawag na niya ang mga anak ni Lola. Araw-araw pumupunta si Nanay noon. Pabalik-balik din ang ibang mga anak kasama na si Andoy.

Wala si Maracas sa tabi ni Lola noong namatay siya pero alam niyang patingin-tingin si Andoy at ang isa pang anak ni Lola. Nagbanlaw lang ng mga damit si Maracas. Pagbalik niya, patay na si Lola. Pero hinala niya, bago mamatay si Lola, naipasa niya ang anting-anting kay Andoy.

Gusto ko sanang itanong kung paano yun pinasa. Noong niluwa ni Lola ang anting-anting, sinubo ni Andoy? Literal na sinubo? Pero alam kong hindi nga nakita ni Maracas kaya hindi ko na tinanong dahil alam ko naman ang isasagot niya.

May nabanggit din si Maracas na kapag daw ganung may anting-anting ang isang tao, ang mabisa daw na pang-alis doon ay gatas mula sa ina na iisa pa lang ang anak at dapat lalaki ang anak. Mga 1/4 daw na baso ng gatas na ito ang ininom ni Lola isang araw bago siya mamatay.

Tanong ko: "Eh san kayo nakakuha ng gatas na iyon?"

Sabi niya, may kakilala daw silang kaaanak lang. Kung ako ang babaeng iyon at hihingan ako ng gatas niya, hindi kaya nakakapagtaka iyon?

Ano kaya ang sinabi nila noong humingi sila ng 1/4 na baso ng gatas sa babaeng iyon?

Naiintindihan ko kung bakit kailangan na iyong gawin. Katulad rin lang iyon noong binulungan ko ang isa kong Lola (sa side ng Tatay ko) isang gabi bago siya mamatay: "Lola, hirap na hirap na po kayo. Magpahinga na po kayo. Ayaw na po namin kayong maghirap. OK na po kami. Sige na po, magpahinga na po kayo."

Coincidence lang kaya na namatay si Lola isang araw pagkatapos niyang uminom ng gatas mula sa nagpapadedeng inang unang beses pa lang nanganak at at ang anak ay lalaki?

Coincidence lang kaya na noong gabing binulungan ko si Lola, hindi na siya nagising kinabukasan?

Totoo kayang may anting-anting, Iboy?




Sunday, March 4, 2012

Letter to Iboy

Dear Iboy,
Ang weird lang kasi ang tagal-tagal na ng blog na ito pero ngayon lang ako magsusulat ng letter para sa iyo. Pakiramdam ko, ang layo-layo ko na sa iyo, sa mga bagay na sinisimbolo mo. Nawala na ba ang dating akong may passion sa buhay at nag-iisip ng mga idealistic na bagay tulad ng pagbibigay ng theater workshop sa mga public high schools tuwing summer, pagsusulat at pagdi-direct ng play nang libre para sa mga estudyante, pagtuturo nang may paniniwalang may mga matang mabubuksan at mga pusong magliliyab sa pagmamahal sa buhay, sining, katotohanan at kagandahan.

Masyado na ba akong lumulubog sa kamunduan, Iboy? Paano mo nagawa yun? Nabubuhay ka sa kasalimuotan ng mundo, sa materiality ng mundo, pero napapanatili mong fertile ang creative life mo? Paano ka nakakapagsulat ng tungkol sa pilosopiya kung wala kang tutulugan sa gabi kundi sa madilim na sulok ng simbahan? Paano ka nakakapagsulat nang may conviction at pag-ibig kung hindi mo nakukuha ang pag-ibig sa mga taong dapat umiibig sa iyo?

Kung may isang bagay na natutunan ako sa iyo, yun ay ang laging tumingin sa sarili at magtanong, "Kumusta na ba talaga ako?" Nasaan na ako sa buhay ko? Nasaan na ang ipinaglalaban ko?

Kakapag-meeting lang namin kahapon, board meeting. Magkaiba tayo, Iboy kasi kung security ng buhay ang pag-uusapan, secure na secure ang sa akin. Yun ba ang dahilan kung bakit nawawala na sa akin ang struggle para sa isang creative life?

Pero hindi naman sustainable ang dati, di ba? Kaya nga ako umalis sa security at comfort sa bahay, nagpaka-independent, nagpaka-corporate slave dahil nakita ko na dating hindi ko kayang i-sustain ang creative life nang walang pera. Hindi ako susuportahan nang ganun-ganun na lang. Hindi privelege ang creative life, one has to earn it. Pero sa proseso nang pagsubok na humanap ng trabahong makakapagsuporta sa creative life ko, nagpalamon naman ako sa dinadaanan kong pagsubok.

Dalawang taon akong nagpakasarap sa sweldo kong nakukuha ko sa pagiging mechanical word factory. Namuhay ako sa blissful ignorance. Bar, movies, facebook, junk food, sights and sounds ng Makati, pagiging in love sa love. Independent ako, may sariling pera, may sariling bahay, ang daming makikita at mapupuntahan sa Maynila. Ang nalimutan kong pasyalan at galugarin ay ang aking sarili.

Mabuti na ngang na-aksidente ako at ilang linggong hindi makakalakad. Tigil lahat. Ang M.A. ko, ang biking ko, ang mga to-do's. Ito ang pagkakataon para i-suspend lahat at tumigil sa mata ng mga bagay-bagay. Matagal ko nang tanggap na hindi ako maiintindihan ng tao sa paraang gusto kong ipaintindi ang sarili ko. Pero isang malaking kasalanang hindi ako gumagawa ng paraan para intindihin ko ang sarili ko.

Tama na nag pagkukumpara ko sa iba, sa pakikipag-kumpetisyon ko sa iba, sa inggit ko sa iba --- Mas madaming lugar s'yang napuntahan. Mas malakas ang loob n'ya to try new things. Mas successful sya sa pagtatayo ng business. Mas mature s'ya kung mag-isip. Mas alam n'ya ang gagawin. Mas payat s'ya. Mas kumpleto ang buhay n'ya kasi may asawa't anak s'ya. Mas masaya s'ya kasi in love sya. Mas madami s'yang kaibigan. Mas masasaya ang napuntahan ng barkada nila. S'ya, nakaka-connect sa tao, gusto s'ya nang madaming tao, ako hindi. S'ya marunong makihalubilo sa tao, ako laging takot sa tao. And so on and so forth.

Hay, Iboy...Para saan pang mag-struggle para makapagsulat? Paano ako babalik sa creative life? Paano ko didisiplinahin ang utak kong wag ikumpara ang sarili ko sa iba? Paanong tuturuan ko ang sarili kong ang gawing preoccupation ay hindi pagkumpara ko sa iba?


Tulungan mo naman akong bumalik sa isang buhay na may struggle at kabuluhan. Paano ba, Iboy?