Thursday, September 6, 2012

Nakakapagod Ding Magpakasaya

Paano nga ba ulet maging totoo sa sarili?  Nakalimutan ko na kasi.  Kailangan ko ba talagang mag-effort para magustuhan ako ng tao?  Hindi ba puedeng magustuhan ako nang hindi ako nag-e-effort?  Hindi ba puedeng wala akong extra effort, normal lang na gawi ko, pero magugustuhan pa rin ako?  Bakit ba conscious na conscious akong magustuhan ako ng tao?

Kapag ako ay ang ako na nag-e-effort na maging masaya at maging masayahin, ako ba yun?  Yun ba ang totoong ako?  Paano kung sumapit ang ganitong oras na pagod na akong magpakasaya?  Paano kung pagod na akong ngumiti?  Paano kung nananabik na akong makatabi muli ang kapayapaan sa kalungkutan?

Ang tao talaga, walang kasiyahan.  Dinadalangin ko dating makasama ako sa isang grupo para hindi ko maramdamang mag-isa ako at hetong andito na ang grupong iyon, takot na takot pa rin akong hindi matanggap sa grupo kaya exag ang pagpapakasaya ko.  Gusto ko kasing magustuhan nila ako.  Kaya, lagi akong ngumingiti.  Lagi akong mabait.  Pero paano kaya yun, pagod na akong magpakabait sa kanila at pagod na akong ngumiti?

Masaya ang pakiramdam na nakaka-konekta ka sa tao.  Na may nakakaintindi sa iyo, na may nagmamalasakit sa iyo, na may mga taong may pakialam sa iyo.  Na naiintindihan mo din sila, nagmamalasakit ka din sa kanila at may pakialam ka rin sa kanila.  Pero kailangan ata laging magtago ka ng isang bahagi ng sarili mo para maka-konekta ka sa tao?  Posible kaya ang ugnayan ng totoo mong sarili sa totoong sarili ng isang tao?  Posible kayang walang bahagi ng sarili mong itatago mo kapag nakikipag-ugnayan ka sa tao?  Matatanggap ka pa rin kaya?

Hindi naman ako nakikkipag-plastikan.  Napapagod na lang akong lagi akong conscious sa sarili ko -- na kailangan kong maging masayahin lagi.  Napapagod na akong i-sustain ang personality kong cheerful ako, friendly, may sense of humor, mahilig tumawa at hindi naba-bad trip.  Ok lang namang ma-bad trip ah.  Ok lang namang sumama ang pakiramdam dahil mababa ang nakuhang grade sa paper.  Ok lang namang malungkot dahil hindi kami makabitan ng internet sa bahay dahil laging pinuputol ng kapitbahay ang wire.  Ok lang namang maging seryoso at mainis kapag may nangyaring nakakainis.

Nagwawala na ang bahagi ng sarili kong seryoso at totoo.  Sincere.  Sakal na sakal na daw sya sa loob kasi lagi na lang yung sarili kong masayahin at ignorantly blissful ang inilalabas ko.  Ilabas ko daw naman sya.

Siguro, namimiss ko lang talagang magsulat.  Namimiss kong maging sincere at totoo sa sarili.  Nami-miss kong hindi na kailangang timbangin kung may magagalit sa bibitiwan kong salita.  Nami-miss kong mawala sa sarili at magpatabon sa salita.  Kailangan kong magbasa at magsulat pa sa Tagalog.  Witty akong magsulat sa English pero namimiss kong maging sincere sa pagsusulat ko sa Tagalog.

Yun lang siguro ang kailangan ko.  Ang daming oras na sinasayang ko sa pagpapalipad ng isip, sa pag-co-construct ng personality at ego ko, sa pag-rerehearse kung paano dapat ako gagalaw o makikipag-usap para masabihan akong mabait ako.  Napapagod na ako.  Kahit gaanong nakaka-enjoy ang ganung gawain, nakakapagod din pala.

Pinapabayaan ko ang mga salitang basta na lang lumabas sa bibig kong parang utot.  Nahihiya ako sa salita.   Wala akong paggalang sa salita, sa kung paano ako magsalita, at sa kung paanong mabuhay ako sa salita.  Walang paggalang.

Gusto ko ng magsalita mula sa aking puso.  Gusto ko ng maging totoo sa sarili.  Ayaw ko ng mag-evade sa emotions.  Ayaw ko ng mag-evade na tumingin at makipag-ugnayan ng totoo sa tao.  Ito ang totoong ako.  Sincere at nagsasalita mula sa puso.

At muli, ibinalik ako ng pagsulat sa aking totoong sarili.  Salamat po!