Friday, March 29, 2013

Totoong Kaibigan (Kindred Spirits)

Ilang beses ko na itong nabanggit sa mga kaibigan ko, sa mga kaibigan kong pinili kong maging kaibigan pa rin.  Sabi ko sa kanila, habang tumatanda tayo, mas bumibigat ang mga responsibilidad, mas kumokonte ang oras para sa pakikipag-kaibigan.  Kung may trabaho ka, may pamilya, konte na lang ang natitirang oras para sa ibang bagay.  Kung madami kang kaibigan, paano mo pagkakasyahin ang kakaunting natitirang free time mo sa napakadami mong kaibigan? Makikilala mo pa ba silang lahat nang lubos?  Makakapagbahagi ka pa ba ng sarili mo kung napakadami mong kaibigan?

Para sa akin, ang totoong kaibigan ay isang kindred spirit, hindi parang pera sa bangko na iiwan mo lang at i-e-expect na lalago ang friendship n'yo over the years.  Ang totoong kaibigan para sa akin ay yung hindi mo mapigil na hindi magbahagi ng sarili sa kanya, malayo man siya o malapit.  May connection kayo at nararamdaman n'yo itong connection na ito, malayo man kayo o malapit.

Ito ang dahilan kung bakit nitong mga nakaraang taon, may mga taong nilaglag ko na sa roster ng pagiging "kaibigan ko".  Masakit pakinggan, pero siguro talagang kailangan iyon sa buhay.  Hindi naman sa hindi ko na sila pinapansin o kinakausap, pero pinili ko na lang ang mga taong papapasukin ko sa pinaka-kalooban ko.  Tulad nga ng sabi ko sa isang tao, hindi ko naman kailangan ng madaming kaibigan.  Kailangan ko lang ilang kaibigan na talagang totoo.  

May 3 akong totoong kaibigan mula high school. May 1 noong college.  2 from former work.  At 1 sa grupo ko ngayon.  At may ilan pang medyo close pero hindi pa din pasok na pasok sa pinaka-loob ko.  Madami pa din akong ibang kaibigan pero hindi na sila nakaka-abot o nakakalapit man lang sa pinaka-loob ko.  Hindi ko alam kung bakit, pero hindi ako ang tipo ng taong basta na lang nagpapapasok ng mga tao sa pinaka-loob ko.  Mawala man lahat ng ibang kaibigan sa outer circle ng loob ko, hindi ako masyadong matitigatig.  Masasaktan, oo, at mami-miss sila, kung sakaling lalayo.  Pero, matitigatig mula sa loob, hindi.  Hangga't nandiyan at patuloy kaming nagbabahagian ng sarili ng mga pinaka-kaibigan ko, ng kindred spirits ko, hindi ako matitigatig.  


Wednesday, March 20, 2013

Tangang Tanong

Masaya ako kapag kasama kita.  Gusto kong tinitingnan kitang tinitingnan ako.  Kapag hindi kita kasama, iniisip kita.  Bumibilis at lumalakas ang tibok ng puso ko kapag iniisip kita.  Mas lalo na kapag makakasama na kita.  Kapag mag-isa ako, lumilikha ako ng istorya sa isip ko:  Ikaw at ako.  Iniisip ko na ang sarap siguro kung mamahalin mo ako.  At kung mamahalin kita.  Iniisip ko kung paano kita mamahalin.  Hinahayaan kong maglaro ang aking hiraya kung paano mo akong mamahalin.  Nasasaktan ako kapag biglang hindi mo ako pinapansin nang walang dahilan.  Nasasaktan ako kapag mas gusto mong makipag-usap at sumama sa iba.  Ang dami kong hindi nagagawa dahil mas gusto kitang maka-kuwentuhan at makasama kaysa gawin ang mga kailangan kong gawin, kahit mahalaga pa ito sa akin.  Pero hindi ko sinisisi ang sarili ko.  Lalong hindi kita sinisisi.  Kasi masaya akong kasama ka.  May mga oras na gusto kita yakapin.  May mga oras na gusto kong yakapin mo ako.  Matagal, mahigpit at walang pagtatago ng totoong sarili. Handa akong gumawa ng mga bagay para sa iyo, para hindi ka mahirapan.  Isang sabi mo lang, gagawin ko.

Mahal na ba kita?