Thursday, January 29, 2015

Childhood dream

Noong 4th year high school ako, hindi ko gustong mag-aral sa La Salle o Ateneo o UP.  Naka-focus ang isip ko noon sa isang Singapore Writing Institute na nakita ko ang ad sa Reader's Digest.  Sa ad na iyon, may stick figure na nasa likod ng rehas.  Tapos may malaking nakasulat na "Free the writer in you!"  Isang correspondence course iyon on writing and being paid for what you write.  Pagsulat sa magazines, pagsulat ng ads.

Sinulatan ko ang address na andun sa ad at pinadalahan nila ako ng mga brochure about the course.  Hanggang ngayon, nasa akin pa din ang mga laman ng envelope na  yun, pati ang reply slip na hindi ko nasulatan at hindi ko naipadala.

Bago ko pa mabuksan iyon, nabasa na malamang iyon ni Nanay.  Nung binuksan ko kasi, sulat kamay na nya ang nakasulat sa recipient's address sa part ng envelope na plastic at kita ang loob.

Isang sentence pa lang ang nasasabi ko kay Nanay at Tatay, guho na lahat ang pangarap kong gawin after high school.  Isang malaking kalokohan daw iyon.  Sa La Salle daw ako papasok katulad ng Kuya ko. Naka-take na ako at nakapasa sa entrance exam sa La Salle.  Pasa rin ako sa UST at St. Scho.  Pero bagsak ako sa UP.

Hindi ako ganung ka-excited pumasok ng La Salle.  Ang gusto ko lang sana ay correspondence course on writing.  Peromalaki ang  pasalamat ko na pinag-aral ako at pinagtapos ng college.  Maaaring hindi ako yumaman nang sobrang yaman pero sigurado akong sa buong buhay ko, hindi ako maghihirap.

Naalala ko ito dahil sa movie na "Wish I was Here"  na kakapanood ko lang ngayon.  Si Zach Braf ay struggling actor sa L.A. at ang asawa niya si Kate Hudson ay isang data encoder.  May isang scene doon na sinabi ni Kate Hudson kay Zach, "When did this relationship become only about supporting you?" At sa isang sulat, siinabi ni Zach na, "I don't want you to stop pursuing your dreams."

Ang tagal-tagal na noong panahon na nagsimula akong mangarap na maging writer.  Hanggang ngayon, iyon pa rin ako: yung stick figure na nasa likod ng rehas.  Nakikita ko pa rin ang mga words na "FREE' at "WRITER".  Hanggang ngayon, iyon pa rin ang pangarap ko.  Ang makaramdam ng totoong kalayaan.  At ang maging totoong manunulat.  To touch others' lives with words and stories.

Sa movie, nagtanungan si Zach at Kate kung anong time nakita nila ang isa't-isa na pinakamasaya.  Sabi ni Zach, pinakamasaya daw si Kate nung una syang natutong mag-surf.  Sabi ni Kate, pinakamasaya nyang nakita si Zach noong nag-play siya na isang character ni Shakespeare.

Iniisip ko kung ano ang mga oras na pinakamasaya ako.  Yung nanalo kami sa Tiktaktalaok noong 3rd year high school ako.  Noong binigyan kami nina A. ng trust na gumawa ng sarili naming short performance isang general assembly sa school at ako at si A. ang nagsulat ng voice over.  (Tungkol sa metaphor ng jeep sa buhay.)  Noong sinusulat ko ang "Ang Bukas ay si Juan" na sinali ko sa Centennial writing contest sa La Salle at nanalo ng first place.  (Parehong nakaka-high yung time na sinulat ko iyon at yung time na nalaman kong nanalo ako.)  Noong nakita kong umiiyak ang dati kong high school teacher noong nanonood sya ng sinulat at dinirect kong play para sa Tiktaktalaok ng mga high school students ng La Salle.  Noong sinusulat ko ang mga tula na ipapabasa ko sa LIRA workshop lalo na yung tungkol sa puno ng niyog na kulay orange.  Noong nag-share ako sa mga students ko ng mga insights on life na nakuha ko sa Les Miserables.  Noong naka-receive ako ng text mula sa Benilde na interested sila sa application ko.  Noong kasama ko si J, G. ay Y., ini-explore ang Maynila at sining at buhay. (Editor's note:  parang ang yabang naman ng dating nito pero naiintindihan kong kailangan mong ipaalala sa sarili mo ang mga ito lalo na ngayon.)

To become part of others' becoming.  To touch and  inspire others with words.  Wala namang nagbago sa pangarap ko simula noong 4th year high school ako.