Naaalala ko ang kislap ng mata mo kapag
nagkukwento ka ng mga nabasa mong nobela, kwento, tula at mga napanood mong pelikuka. Naaalala kita ngayon bilang isang napaka-mapagbigay
na tao. Nagbabahagi ka nang sarili,
oras, ng mundo mo, ng buhay mo, ng mga kwento, ng mga alam mo, ng kung ano ang
meron ka. Kinukulit ko ang alala
ko. Tanong ako nang tanong: Anong araw, anong pangyayari, anong taon,
anong oras noong pinagtagpo ulet tayo.
Ang natatandaan ko lang ay may nagkwento sa akin na lagi daw kayong
nakikita sa CCP ni J. Noong lagi tayong magkasama, nasa US na ata si J. Hindi ako sigurado. Kaya kinukulit ko ang alaala.
Iniisip ko ngayon na siguro kaya kailangan mong
basta na lang mawala ay dahil kailangan mong mag-ipon ulet ng sarili para
maibahagi sa iba naman. Nasaid ka siguro
noon dahil napakamapagbigay mo. Hindi ko
na maalala kung ilang buwan tayong naging napaka-lapit sa isa’t-isa, maghapon
at magdamag nang magkasama ay hindi pa rin natatapos sa pagkukwentuhan at
pag-aapuhap sa kahulugan ng buhay sining.
Sa buong oras na iyon na kasama kita, napaka-rubdob at nakakapaso ang
pag-ibig ko sa buhay. Napaka-rubdob ng
pag-ibig ko sa iyo.
Nagsakatawang-tao sa iyo ang kabuuan ng konsepto
ko noon ng kalayaan: walang pakialam sa panghuhusga ng lipunan; sobra-sobra at
nakasusugat na pagkakatotoo sa sarili; ang
mundo ang tahanan, ang mga nakakasalubong at nakakasalamuha sa buhay ang
pamilya at kamag-anak; walang limitasyon ang paglipad ng hiraya; humihila ng
lahat ng tao at pangyayaring ka-enerhiya tulad ng isang bato-balani; buo ang
loob, lahat ng bagay ay isang karnabal na kapana-panabik pasukan.
Hayaan mong alalahanin kita. Hayaan mong ibigin kita sa mga alaala. Mahal kita, Jeff. Lubus-lubos.
Naaalala ko, isang madaling araw na nakatambay
tayo sa saradong pinto ng simbahan sa may Roxas Boulevard, nakita natin si Rodel. Matagal nang patay si Rodel noon pero pareho
tayong naniniwalang si Rodel yun. Sa
kilos, sa ngiti. Sa pagdadamit. Rodel na Rodel. Ang ating “literary mother.”
Naaalala ko, tuwang-tuwa ka sa pinanood nating
ballet show sa CCP. May mga kasama tayo
noong nanood, hindi ko na matandaan kung sino pero malamang si G. at si Y. Pagkatapos ng show, ang sabi mo, pag
nagka-anak ka, dapat babae. Dapat bata
pa sya, nagba-ballet na sya. Dapat lahat
ng frustrations mo, gagawin niya. Kakaiba
ang sense of humor mo. Pero lagi mo
akong napapatawa.
Naalala ko, nag-imbento ka ng kwento tungkol sa
tatlong matandang dalagang landladies ko at sa binatang anak ng isa sa kanila. Ang sabi mo, siguro hindi ko alam, pero sex slave
ang binatang anak ng tatlong babae at ang akala ng binata ay gan’un ang normal
na pagmamahal ng mga tiya. Pinapasulat
mo pa sa aking stageplay ito. Ang sabi mo,
nakikita mo na kung paano ang hitsura ng stage.
Sari-sari ka.
Naaalala kita, kung gaano mo kamahal ang libro ni Nick Tiongson tungkol sa pelikula. Umaapaw sa mata mo ang saya at lalim ng pag-aappreciate at pagmamahal sa mga kinukwento mong pelikula.
Naaalala ko, nagpapalitan tayo ng libro, yung mga
librong paborito natin ang pinapabasa natin sa isa’t-isa. Ang huling dalawang libro ko na nasa iyo,
kinuha ko pa sa bahay nyo kasi hindi ka na noon masyadong nagpaparamdam at
hiram ko pa ang mga libro sa library ng Benilde.
Naaalala ko, first time natin nina Y. at G. na
magkape sa sosyal na kapehan sa Malate.
Umorder ka ng espresso dahil yun ang pinakamura at lahat tayo nagulat
dahil sobrang liit lang pala ng tasa ng espresso. At tawa tayo nang tawa kasi sa sobrang pait
ng kape, ang tagal mong naubos yung maliit na tasa.
Naaalala ko, favorite mong porma ay maliit na
t-shirt, malambot at faded na maong pants, sandugo sandals, body sling na bag
at knitted cap na galing Baguio. At
laging may malong sa loob ng bag mo. Dye
tie na violet.
Naalala ko, sinamahan mo pa rin akong umattend ng
film showing sa CCP kahit masama na pala ang pakiramdam mo. Habang nanonood ako, nakita kitang nakahiga
at lamig na lamig. Umuulan noong umuwi
tayo. Kinuha kita ng taxi. Lamig na lamig ka noon.
Naalala ko, noong ako ang may lagnat, dinalhan mo
ako ng isang litrong apple juice. Sabi
mo, mas maganda ang apple juice kesa sa gamot.
Nawala na agad ang lagnat ko pagkagising ko kinabukasan.
Naaalala ko ang mga daliri mo, payat, mahaba, laging
malinis ang mga kuko.
Naalala ko, isang gabing umattend tayo ng poetry
reading sa Benilde. Nandun din pala ang
mga naging kasabayan mo sa literary journal noong college. Nasa kabilang side sila ng room. Miss na miss
na miss ka nila. Kita ko sa mata
nila. Alam mo bang nagkita ulet kami ng
isa sa kanila, si M. Kasama ko noon si
G. Pagtingin niya sa akin, napangiti
siya kay G. dahil siguro ang akala niya ikaw si G. Hindi niya ako pinansin. Hindi ko na maalala kung pinansin ko siya o
hindi.
Naaalala ko, sumama kayong dalawa ni G. sa akin na
umattend ng workshop sa yoga sa isang mongha na nakatira malapit sa boarding
house. Ang payat-payat mo na pero
sinamahan mo pa rin akong mag-vegetarian.
Laging tokwa ang inoorder natin sa Goto King sa SM Harrison.
Naalala ko, nag-submit ako ng tula sa LIRA dahil
sa pag-uudyok mo. Wala akong tiwala sa
sarili kong pagsusulat pero ikaw, meron.
Natapos ko ang ilang buwan ng lingguhang workshop dahil sa isip ko, sinasabi mong kaya ko. Noong oath taking ko para maging official
member ng LIRA, tinext kita, ang sabi ko sa iyo, salamat sa tiwala at sa
pag-udyok sa akin. Ang reply mo sa akin,
kung hindi naman ako tumuloy, hindi ako makakatapos. At sabi mo, ipagpatuloy ko lang. Alam mo bang simula noon hanggang ngayon,
wala pa akong naiisulat na tula? Alam mo
bang kaya ako tumula noon ay dahil sa iyo?
Siguro magkikita tayo pero iba na ang lahat. Siguro hindi na tayo magkikita. OK lang yun.
Ang sabi nila, ang pag-iisip at pag-aalala daw sa isang tao ay
pagtatapon ng enerhiya sa taong iyon. Nagtatapon
ako sa iyo ngayon ng enerhiya. Enerhiya
ng pag-ibig. Inihahatid ng
uniberso. Sana makarating sa iyo.