Showing posts with label unsent letters. Show all posts
Showing posts with label unsent letters. Show all posts

Thursday, December 5, 2013

Jeff

Naaalala ko ang kislap ng mata mo kapag nagkukwento ka ng mga nabasa mong nobela, kwento, tula at mga napanood mong pelikuka.  Naaalala kita ngayon bilang isang napaka-mapagbigay na tao.  Nagbabahagi ka nang sarili, oras, ng mundo mo, ng buhay mo, ng mga kwento, ng mga alam mo, ng kung ano ang meron ka.  Kinukulit ko ang alala ko.  Tanong ako nang tanong:  Anong araw, anong pangyayari, anong taon, anong oras noong pinagtagpo ulet tayo.  Ang natatandaan ko lang ay may nagkwento sa akin na lagi daw kayong nakikita sa CCP ni J. Noong lagi tayong magkasama, nasa US na ata si J.  Hindi ako sigurado. Kaya kinukulit ko ang alaala.

Iniisip ko ngayon na siguro kaya kailangan mong basta na lang mawala ay dahil kailangan mong mag-ipon ulet ng sarili para maibahagi sa iba naman.  Nasaid ka siguro noon dahil napakamapagbigay mo.  Hindi ko na maalala kung ilang buwan tayong naging napaka-lapit sa isa’t-isa, maghapon at magdamag nang magkasama ay hindi pa rin natatapos sa pagkukwentuhan at pag-aapuhap sa kahulugan ng buhay sining.  Sa buong oras na iyon na kasama kita, napaka-rubdob at nakakapaso ang pag-ibig ko sa buhay.  Napaka-rubdob ng pag-ibig ko sa iyo. 

Nagsakatawang-tao sa iyo ang kabuuan ng konsepto ko noon ng kalayaan: walang pakialam sa panghuhusga ng lipunan; sobra-sobra at nakasusugat na  pagkakatotoo sa sarili; ang mundo ang tahanan, ang mga nakakasalubong at nakakasalamuha sa buhay ang pamilya at kamag-anak; walang limitasyon ang paglipad ng hiraya; humihila ng lahat ng tao at pangyayaring ka-enerhiya tulad ng isang bato-balani; buo ang loob, lahat ng bagay ay isang karnabal na kapana-panabik pasukan.

Hayaan mong alalahanin kita.  Hayaan mong ibigin kita sa mga alaala.  Mahal kita, Jeff.  Lubus-lubos.

Naaalala ko, isang madaling araw na nakatambay tayo sa saradong pinto ng simbahan sa may Roxas Boulevard, nakita natin si Rodel.  Matagal nang patay si Rodel noon pero pareho tayong naniniwalang si Rodel yun.  Sa kilos, sa ngiti.  Sa pagdadamit.  Rodel na Rodel.  Ang ating “literary mother.”

Naaalala ko, tuwang-tuwa ka sa pinanood nating ballet show sa CCP.  May mga kasama tayo noong nanood, hindi ko na matandaan kung sino pero malamang si G. at si Y.  Pagkatapos ng show, ang sabi mo, pag nagka-anak ka, dapat babae.  Dapat bata pa sya, nagba-ballet na sya.  Dapat lahat ng frustrations mo, gagawin niya.  Kakaiba ang sense of humor mo.  Pero lagi mo akong napapatawa.

Naalala ko, nag-imbento ka ng kwento tungkol sa tatlong matandang dalagang landladies ko at sa binatang anak ng isa sa kanila.  Ang sabi mo, siguro hindi ko alam, pero sex slave ang binatang anak ng tatlong babae at ang akala ng binata ay gan’un ang normal na pagmamahal ng mga tiya.  Pinapasulat mo pa sa aking stageplay ito.  Ang sabi mo, nakikita mo na kung paano ang hitsura ng stage.  Sari-sari ka.

Naaalala kita, kung gaano mo kamahal ang libro ni Nick Tiongson tungkol sa pelikula.  Umaapaw sa mata mo ang saya at lalim ng pag-aappreciate at pagmamahal sa mga kinukwento mong pelikula.  

Naaalala ko, nagpapalitan tayo ng libro, yung mga librong paborito natin ang pinapabasa natin sa isa’t-isa.  Ang huling dalawang libro ko na nasa iyo, kinuha ko pa sa bahay nyo kasi hindi ka na noon masyadong nagpaparamdam at hiram ko pa ang mga libro sa library ng Benilde.

Naaalala ko, first time natin nina Y. at G. na magkape sa sosyal na kapehan sa Malate.  Umorder ka ng espresso dahil yun ang pinakamura at lahat tayo nagulat dahil sobrang liit lang pala ng tasa ng espresso.  At tawa tayo nang tawa kasi sa sobrang pait ng kape, ang tagal mong naubos yung maliit na tasa. 

Naaalala ko, favorite mong porma ay maliit na t-shirt, malambot at faded na maong pants, sandugo sandals, body sling na bag at knitted cap na galing Baguio.  At laging may malong sa loob ng bag mo.  Dye tie na violet.

Naalala ko, sinamahan mo pa rin akong umattend ng film showing sa CCP kahit masama na pala ang pakiramdam mo.  Habang nanonood ako, nakita kitang nakahiga at lamig na lamig.  Umuulan noong umuwi tayo.  Kinuha kita ng taxi.  Lamig na lamig ka noon.
Naalala ko, noong ako ang may lagnat, dinalhan mo ako ng isang litrong apple juice.  Sabi mo, mas maganda ang apple juice kesa sa gamot.  Nawala na agad ang lagnat ko pagkagising ko kinabukasan.
Naaalala ko ang mga daliri mo, payat, mahaba, laging malinis ang mga kuko. 

Naalala ko, isang gabing umattend tayo ng poetry reading sa Benilde.  Nandun din pala ang mga naging kasabayan mo sa literary journal noong college.  Nasa kabilang side sila ng room. Miss na miss na miss ka nila.  Kita ko sa mata nila.  Alam mo bang nagkita ulet kami ng isa sa kanila, si M.  Kasama ko noon si G.  Pagtingin niya sa akin, napangiti siya kay G. dahil siguro ang akala niya ikaw si G.  Hindi niya ako pinansin.  Hindi ko na maalala kung pinansin ko siya o hindi. 

Naaalala ko, sumama kayong dalawa ni G. sa akin na umattend ng workshop sa yoga sa isang mongha na nakatira malapit sa boarding house.  Ang payat-payat mo na pero sinamahan mo pa rin akong mag-vegetarian.  Laging tokwa ang inoorder natin sa Goto King sa SM Harrison.

Naalala ko, nag-submit ako ng tula sa LIRA dahil sa pag-uudyok mo.  Wala akong tiwala sa sarili kong pagsusulat pero ikaw, meron.  Natapos ko ang ilang buwan ng lingguhang workshop dahil sa isip ko, sinasabi mong kaya ko.  Noong oath taking ko para maging official member ng LIRA, tinext kita, ang sabi ko sa iyo, salamat sa tiwala at sa pag-udyok sa akin.  Ang reply mo sa akin, kung hindi naman ako tumuloy, hindi ako makakatapos.  At sabi mo, ipagpatuloy ko lang.  Alam mo bang simula noon hanggang ngayon, wala pa akong naiisulat na tula?  Alam mo bang kaya ako tumula noon ay dahil sa iyo?

Siguro magkikita tayo pero iba na ang lahat.  Siguro hindi na tayo magkikita.  OK lang yun.  Ang sabi nila, ang pag-iisip at pag-aalala daw sa isang tao ay pagtatapon ng enerhiya sa taong iyon.  Nagtatapon ako sa iyo ngayon ng enerhiya.  Enerhiya ng pag-ibig.  Inihahatid ng uniberso.  Sana makarating sa iyo. 








Wednesday, March 20, 2013

Tangang Tanong

Masaya ako kapag kasama kita.  Gusto kong tinitingnan kitang tinitingnan ako.  Kapag hindi kita kasama, iniisip kita.  Bumibilis at lumalakas ang tibok ng puso ko kapag iniisip kita.  Mas lalo na kapag makakasama na kita.  Kapag mag-isa ako, lumilikha ako ng istorya sa isip ko:  Ikaw at ako.  Iniisip ko na ang sarap siguro kung mamahalin mo ako.  At kung mamahalin kita.  Iniisip ko kung paano kita mamahalin.  Hinahayaan kong maglaro ang aking hiraya kung paano mo akong mamahalin.  Nasasaktan ako kapag biglang hindi mo ako pinapansin nang walang dahilan.  Nasasaktan ako kapag mas gusto mong makipag-usap at sumama sa iba.  Ang dami kong hindi nagagawa dahil mas gusto kitang maka-kuwentuhan at makasama kaysa gawin ang mga kailangan kong gawin, kahit mahalaga pa ito sa akin.  Pero hindi ko sinisisi ang sarili ko.  Lalong hindi kita sinisisi.  Kasi masaya akong kasama ka.  May mga oras na gusto kita yakapin.  May mga oras na gusto kong yakapin mo ako.  Matagal, mahigpit at walang pagtatago ng totoong sarili. Handa akong gumawa ng mga bagay para sa iyo, para hindi ka mahirapan.  Isang sabi mo lang, gagawin ko.

Mahal na ba kita?








Tuesday, February 16, 2010

Indefatigable Spirit

Ang sa akin lang, may karapatan akong mag-expect kasi noong una nating business meeting, tinanong kita kung kaya mong mag-commit sa business at sinabi mo na OO. May pagkakamali din ako dahil umiiwas ako sa confrontation. Hindi ka nakakapagbigay ng sabi mong ibibigay mong oras dahil may kailangan kang gawin sa bahay dahil umalis ang katulong n'yo. Ang sabi ng kaibigan ko, oo nga't ganun, pero dapat mag-demand pa din daw ako na magbigay ka ng oras sa business dahil nag-commit ka. Pero hindi ako nag-demand dahil iniintindi kita bilang kaibigan. Alam kong mahirap ang mawalan ng katulong at alam kong mahirap ang may maliit na bata sa bahay.

Ang sabi mo, napakadami mong kailangang gawin sa bahay pag Sabado. Wala kang narinig sa akin. Inintindi kita. Kung kelan mo gustong mag-meet, kung ano na lang ang natitirang retaso sa oras mo, yun na lang ang kinukuha ko. Wala akong reklamo.

Ang sabi mo noong una nating meeting, kaya mong i-commit ang oras mo sa gabi sa pag-aasikaso ng biz pero gabi-gabi, puro Maria Wars updates ang nakikita ko sa FB mo. Kung hindi ka sumasagot sa message ko sa FB, kahit alam kong online ka, hindi kita kinakausap. Iniintindi kita. Iniisip ko na baka yun lang ang oras mong mag-unwind. Hindi kita iniistorbo sa paglalaro ng Mafia Wars. Ito ay kahit alam kong may karapatan akong mag-demand dahil sinabi mong i-cocommit mo ang libreng oras mo sa gabi.

Tuwing magmi-meeting tayo at tuwing may ishe-share ako sa iyong update, ang nakikita ko sa yo ay excitement. Ang dami mong "Wow!!" at "Yey" at "Exciting!!!". At dahil yun ang sinasabi mo at yun ang pinapakita mo, naniwala akong namamangha ka nga at na-eexcite. Inisip kong kahit na kaunting oras lang ang binibigay mo sa business, ok na yun dahil at least interesado ka. At least nagbibigay ka ng inputs sa mga ginawa ko. At least, nakikinig ka sa mga ideas ko. At least, excited ka sa mga nangyayaring updates.

Tapos heto't maririnig ko sa yo na isang buwan ka nang depressed. Hindi ko pa alam kung bakit. Hindi ko alam kung gaanong kalalim. Hindi ko pa alam kung bakit nag-stretch nang ganung katagal. Sa isang buwan na yun 2 weekend tayong magkasama. 1 buong araw, magkasama tayo sa Megamall sa pagtingin ng suppliers para sa biz. Wala kang sinabi. Wala akong nahalata. Ang akala ko, katulong at mga gawaing bahay talaga ang problema.

Gusto ko ngayong sabihin na pinaka-ayoko sa lahat ng tao ay plastik pero pinipigilan ko ang sarili kong mang-judge dahil gusto kong maging mabuting kaibigan. Hindi ko alam kung bakit hindi mo pinaalam sa akin kapag pareho tayong online at nag ma-Mafia Wars ka sa gabi. Hindi ko alam kung bakit kailangang magpakitang excited ka kung ang totoo ay depressed ka pala.

Kung sa bagay, nakatulong na rin naman kahit papa'no na nagpakita kang excited dahil at least sa tuwing nakikita kong excited ka sa mga sinasabi kong ideas, nagkakaroon ako ng mas malaking confidence sa sarili kong ideas.

Siguro may sarili kang rason kung bakit hindi ka nagpakita ng totoo mong emotional state sa akin. Siguro hindi ako ang tipo ng taong nakakahalata kung depressed ang kausap ko o hindi. Siguro tama nga ang sinabi mong magaling kang magpinta ng isang masayang mukha kahit sa loob, you are fucked up.

Kung tutuusin, nagpapasalamat na rin ako sa iyo kasi nagpakatotoo ka after 1 month at sinabi mong kaya hindi ka nakakatulong sa biz ay dahil depressed ka.

Sa isang banda, sumama ang loob ko dahil isang buwan ka na palang depressed, ngayon mo lang sinabi.

Hindi mo ba alam na isa sa mga reasons kung bakit nagpupursige ako sa business na ito ay dahil gusto kong matupad ang gusto mong gawin na maging even coordinator?

Nawalan ako ng gana sa business noong nalaman kong hindi ka nakakatulong dahil depressed ka. Ang akala ko talaga katulong ang problema. Siguro ito rin ang rason kung bakit hindi mo masabi ang totoo sa akin. Siguro alam mong mawawala ang motivation ko sa business kung sasabihin mong ganun at kung magpapaka-nega ka at kung mag-iina-inarte ka habang sobrang excited ako sa mga nangyayari sa pinaplano nating biz.

Hindi mo ako kailangang idagdag sa mga isipin mo. Mahirap pero heto na ang oras para mapakinabangan ang pagbabasa ng mga quotes tulad ng, "Be like the sandal wood tree which perfumes the ax that wounds it."

Hindi na ako magagalit na hindi ka nagpakatotoo. Madami ka ng problema. Ayokong problemahin mo pa ako, kung galit ako o hindi. Ayokong problemahin mo pa ang business.

Ok na yun sa akin. Nilabas ko lang ang sama ng loob ko dito. Ang ipapakita ko sa yo ay isa akong mabuting kaibigan na nakakaunawa at hindi nang-ja-judge. Hindi ko alam kung ano ang definition ng mabuting kaibigan basta ang alam ko lang para sa akin kaibigan ang isang tao pag hindi sya nang-ja-judge.

At kung magwoworry ka na baka hindi ko makaya na mag-isa ako sa biz, hindi mo na rin kailangang i-worry yun. Totoong magiging sobrang hirap at doble kayod para sa akin ngayon pero wala nang atrasan ito sa akin. Nag-commit ako dito at kahit ano'ng problema ang dumating, magpapatuloy ako.

Nalulungkot man ako, tinatamaan man ako ng katamaran, nawawalan man ako ng motivation pero na-realize ko ngayon na may something sa akin na hindi nasisira.

Yun ay something na nasa iyo rin. Something na nasa bawat tao.

:-)

OK na ako. Maitutuloy ko na ito at gagawin kong successful itong business.

Ayusin mo muna ang domestic life mo. Ayusin mo ang personal life mo. Kung ok ka na at pakiramdam mo, handa ka na, you are always welcome to come back onboard. Mas magiging masaya, mas magiging madali, mas magiging exciting kung magkasama tayo sa business. Pero kung hindi mo pa kayang mag-commit, ok lang.

You'll be fine. I'll be fine.

:-)