Mahal na ba kita?
O sa English, slices of thoughts. Hindi akin ang title ng blog. Hiram ko ito sa isang taong nagpasilip sa akin sa mas makabuluhan at malalim na pag-iral, ang umakay sa akin patungo sa pagmamahal sa sining, sa wika at sa buhay. Si Rodel Calalo. Kung nasaan ka man, Rodel, hinding-hindi kita malilimutan. Kulang man ang salita, pero ito lang ang meron ako, kaya't patawad kung hindi man makasapat pero ang makakayanan ko lang sabihin, paulit-ulit, ay maraming salamat.
Wednesday, March 20, 2013
Tangang Tanong
Masaya ako kapag kasama kita. Gusto kong tinitingnan kitang tinitingnan ako. Kapag hindi kita kasama, iniisip kita. Bumibilis at lumalakas ang tibok ng puso ko kapag iniisip kita. Mas lalo na kapag makakasama na kita. Kapag mag-isa ako, lumilikha ako ng istorya sa isip ko: Ikaw at ako. Iniisip ko na ang sarap siguro kung mamahalin mo ako. At kung mamahalin kita. Iniisip ko kung paano kita mamahalin. Hinahayaan kong maglaro ang aking hiraya kung paano mo akong mamahalin. Nasasaktan ako kapag biglang hindi mo ako pinapansin nang walang dahilan. Nasasaktan ako kapag mas gusto mong makipag-usap at sumama sa iba. Ang dami kong hindi nagagawa dahil mas gusto kitang maka-kuwentuhan at makasama kaysa gawin ang mga kailangan kong gawin, kahit mahalaga pa ito sa akin. Pero hindi ko sinisisi ang sarili ko. Lalong hindi kita sinisisi. Kasi masaya akong kasama ka. May mga oras na gusto kita yakapin. May mga oras na gusto kong yakapin mo ako. Matagal, mahigpit at walang pagtatago ng totoong sarili. Handa akong gumawa ng mga bagay para sa iyo, para hindi ka mahirapan. Isang sabi mo lang, gagawin ko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment