Wednesday, March 4, 2015

Bakit lagi akong takot?

Sa umaga, nauuna pa ang takot sa akin na gumising.

Kapag iniisip ko ang mga gagawin ko sa araw, natatakot ako.

Kapag naalala ko kung anong petsa na at kung gaanong kabilis ang mga araw, natatakot ako.

Kapag naalala ko kung gaano na akong katanda, natatakot ako.

Kapag naiisip ko ang Nanay ko at ang madalang kong pag-uwi para makita siya, natatakot ako.

Kapag naiisip ko ang mga pamangkin ko at kung paanong ang bilis nilang lumaki nang hindi ko sila nakikita o nakakasama, natatakot ako.

Kapag naalala kong matagal na nga palang hindi ko nakakasama ang mga kaibigan ko, ang kokonte kong totoong kaibigan, natatakot ako.

Kapag naririnig ko ang boses ni Prof. S., sinasabi niyang ang Rizal ay kay J.  ang pina weaving ay kay A.  Kailangan kapag may isang topic, sasabihin na yun ay sa iyo.  Lahat ng magtatanong tungkol sa topic na iyon, ikaw at ikaw lang ang makakasagot.  Kailangang may genealogy ka ng iyong ideas.  Saan ka nagmula?  Si Caroline Hau at Reynaldo Ileto ay nagmumula kay Benedict Anderson..  Ikaw, saan ka nagmula?  Natatakot ako dahil wala akong maisagot.

Kapag nakikita ko sa facebook ang mga ka-batch ko na nagpo-post tungkol sa achievements ng kanilang mga anak, natatakot ako.

Kapag naalala kong ang pinakamalalapit na kaibigan ko ng college ay may asawa na, ang isa ay may anak na, ang isa ay buntis na, natatakot ako.

Kapag iniisip kong gawin ang gusto nang ipagawa sa akin ni G. na sabihin na kay J, natatakot ako.

Kapag aalis ako ng bahay mag-isa at kailangan kong mag-bisikleta, natatakot ako.

Kapag aalis ako ng bahay nang gabi, natatakot ako.

Kapag naalala kong wala pa akong nasisimulan at nagagawa sa mga sinabi ko sa sarili kong gagawin ko ngayong taon, natatakot ako.

Kaag nakikita ko ang mga braso ko at mga binti at kung paanong hindi na sila katulad ng dati na makinis at hindi tuyo, natatakot ako.

Kapag iniisip ko na ang dami kong gustong gawin, magpapayat, makarating kung saan-saan gamit ang aking bike, magsulat, makatapos ng tula, makatapos ng screen play, makatapos ng stage play, finally i-meet si R.  At si K.  At si C.  at si B, magkaroon ng expertise sa cultural research, maging successful sa negosyo, at lahat ng iyon ay hindi ko nasisimulan at naggagawa at natatapos, natatakot ako.

Pinaparalyze ako ng takot ko.

Tulungan Niyo po ako.


Thursday, January 29, 2015

Childhood dream

Noong 4th year high school ako, hindi ko gustong mag-aral sa La Salle o Ateneo o UP.  Naka-focus ang isip ko noon sa isang Singapore Writing Institute na nakita ko ang ad sa Reader's Digest.  Sa ad na iyon, may stick figure na nasa likod ng rehas.  Tapos may malaking nakasulat na "Free the writer in you!"  Isang correspondence course iyon on writing and being paid for what you write.  Pagsulat sa magazines, pagsulat ng ads.

Sinulatan ko ang address na andun sa ad at pinadalahan nila ako ng mga brochure about the course.  Hanggang ngayon, nasa akin pa din ang mga laman ng envelope na  yun, pati ang reply slip na hindi ko nasulatan at hindi ko naipadala.

Bago ko pa mabuksan iyon, nabasa na malamang iyon ni Nanay.  Nung binuksan ko kasi, sulat kamay na nya ang nakasulat sa recipient's address sa part ng envelope na plastic at kita ang loob.

Isang sentence pa lang ang nasasabi ko kay Nanay at Tatay, guho na lahat ang pangarap kong gawin after high school.  Isang malaking kalokohan daw iyon.  Sa La Salle daw ako papasok katulad ng Kuya ko. Naka-take na ako at nakapasa sa entrance exam sa La Salle.  Pasa rin ako sa UST at St. Scho.  Pero bagsak ako sa UP.

Hindi ako ganung ka-excited pumasok ng La Salle.  Ang gusto ko lang sana ay correspondence course on writing.  Peromalaki ang  pasalamat ko na pinag-aral ako at pinagtapos ng college.  Maaaring hindi ako yumaman nang sobrang yaman pero sigurado akong sa buong buhay ko, hindi ako maghihirap.

Naalala ko ito dahil sa movie na "Wish I was Here"  na kakapanood ko lang ngayon.  Si Zach Braf ay struggling actor sa L.A. at ang asawa niya si Kate Hudson ay isang data encoder.  May isang scene doon na sinabi ni Kate Hudson kay Zach, "When did this relationship become only about supporting you?" At sa isang sulat, siinabi ni Zach na, "I don't want you to stop pursuing your dreams."

Ang tagal-tagal na noong panahon na nagsimula akong mangarap na maging writer.  Hanggang ngayon, iyon pa rin ako: yung stick figure na nasa likod ng rehas.  Nakikita ko pa rin ang mga words na "FREE' at "WRITER".  Hanggang ngayon, iyon pa rin ang pangarap ko.  Ang makaramdam ng totoong kalayaan.  At ang maging totoong manunulat.  To touch others' lives with words and stories.

Sa movie, nagtanungan si Zach at Kate kung anong time nakita nila ang isa't-isa na pinakamasaya.  Sabi ni Zach, pinakamasaya daw si Kate nung una syang natutong mag-surf.  Sabi ni Kate, pinakamasaya nyang nakita si Zach noong nag-play siya na isang character ni Shakespeare.

Iniisip ko kung ano ang mga oras na pinakamasaya ako.  Yung nanalo kami sa Tiktaktalaok noong 3rd year high school ako.  Noong binigyan kami nina A. ng trust na gumawa ng sarili naming short performance isang general assembly sa school at ako at si A. ang nagsulat ng voice over.  (Tungkol sa metaphor ng jeep sa buhay.)  Noong sinusulat ko ang "Ang Bukas ay si Juan" na sinali ko sa Centennial writing contest sa La Salle at nanalo ng first place.  (Parehong nakaka-high yung time na sinulat ko iyon at yung time na nalaman kong nanalo ako.)  Noong nakita kong umiiyak ang dati kong high school teacher noong nanonood sya ng sinulat at dinirect kong play para sa Tiktaktalaok ng mga high school students ng La Salle.  Noong sinusulat ko ang mga tula na ipapabasa ko sa LIRA workshop lalo na yung tungkol sa puno ng niyog na kulay orange.  Noong nag-share ako sa mga students ko ng mga insights on life na nakuha ko sa Les Miserables.  Noong naka-receive ako ng text mula sa Benilde na interested sila sa application ko.  Noong kasama ko si J, G. ay Y., ini-explore ang Maynila at sining at buhay. (Editor's note:  parang ang yabang naman ng dating nito pero naiintindihan kong kailangan mong ipaalala sa sarili mo ang mga ito lalo na ngayon.)

To become part of others' becoming.  To touch and  inspire others with words.  Wala namang nagbago sa pangarap ko simula noong 4th year high school ako.


Sunday, November 30, 2014

Yolanda

Mag-iisang taon na pala akong walang entry dito. Hindi ako makapaniwala.  Grabe, isang taon na na wala akong sinusulat dito.  Ano ba ang nangyari sa akin ng isang taon?  Ano ba ang nangyari sa akin ngayong taon?

Ito ang nangyari sa akin --

Na-in love ako.  Pumasok ako sa relasyon.  Ito ang uri ng pag-ibig na gibang-giba ako at sirang-sira lahat ng bubong at pader at lahat ng pang-protekta ko sa hagupit ng sakit. Parang si Yolanda, pumasok ang pag-ibig sa loob ko at winasak lahat ng nagpo-protekta sa mala-gulaman kong puso. Ito na ang signal number na talagang malakas.  Ito na ang pag-ibig na totoo.  Ito ang pag-ibig na nakakapagpabago ng terrain ng aking pagkatao.

Ok lang sa akin na nasasaktan ako ngayon.  Ibig sabihin nun, umiibig ako.  Sana nga lang mabalanse ang sakit at ang saya.  Kung gaano daw kalalim ang ukit ng sakit, ganun din daw kalalim ang pagsisidlan ng ligaya.  Pero bakit parang humukay na lang kami nang humukay ng sakit?  Sana, yung matinding saya naman.

Thursday, December 5, 2013

Jeff

Naaalala ko ang kislap ng mata mo kapag nagkukwento ka ng mga nabasa mong nobela, kwento, tula at mga napanood mong pelikuka.  Naaalala kita ngayon bilang isang napaka-mapagbigay na tao.  Nagbabahagi ka nang sarili, oras, ng mundo mo, ng buhay mo, ng mga kwento, ng mga alam mo, ng kung ano ang meron ka.  Kinukulit ko ang alala ko.  Tanong ako nang tanong:  Anong araw, anong pangyayari, anong taon, anong oras noong pinagtagpo ulet tayo.  Ang natatandaan ko lang ay may nagkwento sa akin na lagi daw kayong nakikita sa CCP ni J. Noong lagi tayong magkasama, nasa US na ata si J.  Hindi ako sigurado. Kaya kinukulit ko ang alaala.

Iniisip ko ngayon na siguro kaya kailangan mong basta na lang mawala ay dahil kailangan mong mag-ipon ulet ng sarili para maibahagi sa iba naman.  Nasaid ka siguro noon dahil napakamapagbigay mo.  Hindi ko na maalala kung ilang buwan tayong naging napaka-lapit sa isa’t-isa, maghapon at magdamag nang magkasama ay hindi pa rin natatapos sa pagkukwentuhan at pag-aapuhap sa kahulugan ng buhay sining.  Sa buong oras na iyon na kasama kita, napaka-rubdob at nakakapaso ang pag-ibig ko sa buhay.  Napaka-rubdob ng pag-ibig ko sa iyo. 

Nagsakatawang-tao sa iyo ang kabuuan ng konsepto ko noon ng kalayaan: walang pakialam sa panghuhusga ng lipunan; sobra-sobra at nakasusugat na  pagkakatotoo sa sarili; ang mundo ang tahanan, ang mga nakakasalubong at nakakasalamuha sa buhay ang pamilya at kamag-anak; walang limitasyon ang paglipad ng hiraya; humihila ng lahat ng tao at pangyayaring ka-enerhiya tulad ng isang bato-balani; buo ang loob, lahat ng bagay ay isang karnabal na kapana-panabik pasukan.

Hayaan mong alalahanin kita.  Hayaan mong ibigin kita sa mga alaala.  Mahal kita, Jeff.  Lubus-lubos.

Naaalala ko, isang madaling araw na nakatambay tayo sa saradong pinto ng simbahan sa may Roxas Boulevard, nakita natin si Rodel.  Matagal nang patay si Rodel noon pero pareho tayong naniniwalang si Rodel yun.  Sa kilos, sa ngiti.  Sa pagdadamit.  Rodel na Rodel.  Ang ating “literary mother.”

Naaalala ko, tuwang-tuwa ka sa pinanood nating ballet show sa CCP.  May mga kasama tayo noong nanood, hindi ko na matandaan kung sino pero malamang si G. at si Y.  Pagkatapos ng show, ang sabi mo, pag nagka-anak ka, dapat babae.  Dapat bata pa sya, nagba-ballet na sya.  Dapat lahat ng frustrations mo, gagawin niya.  Kakaiba ang sense of humor mo.  Pero lagi mo akong napapatawa.

Naalala ko, nag-imbento ka ng kwento tungkol sa tatlong matandang dalagang landladies ko at sa binatang anak ng isa sa kanila.  Ang sabi mo, siguro hindi ko alam, pero sex slave ang binatang anak ng tatlong babae at ang akala ng binata ay gan’un ang normal na pagmamahal ng mga tiya.  Pinapasulat mo pa sa aking stageplay ito.  Ang sabi mo, nakikita mo na kung paano ang hitsura ng stage.  Sari-sari ka.

Naaalala kita, kung gaano mo kamahal ang libro ni Nick Tiongson tungkol sa pelikula.  Umaapaw sa mata mo ang saya at lalim ng pag-aappreciate at pagmamahal sa mga kinukwento mong pelikula.  

Naaalala ko, nagpapalitan tayo ng libro, yung mga librong paborito natin ang pinapabasa natin sa isa’t-isa.  Ang huling dalawang libro ko na nasa iyo, kinuha ko pa sa bahay nyo kasi hindi ka na noon masyadong nagpaparamdam at hiram ko pa ang mga libro sa library ng Benilde.

Naaalala ko, first time natin nina Y. at G. na magkape sa sosyal na kapehan sa Malate.  Umorder ka ng espresso dahil yun ang pinakamura at lahat tayo nagulat dahil sobrang liit lang pala ng tasa ng espresso.  At tawa tayo nang tawa kasi sa sobrang pait ng kape, ang tagal mong naubos yung maliit na tasa. 

Naaalala ko, favorite mong porma ay maliit na t-shirt, malambot at faded na maong pants, sandugo sandals, body sling na bag at knitted cap na galing Baguio.  At laging may malong sa loob ng bag mo.  Dye tie na violet.

Naalala ko, sinamahan mo pa rin akong umattend ng film showing sa CCP kahit masama na pala ang pakiramdam mo.  Habang nanonood ako, nakita kitang nakahiga at lamig na lamig.  Umuulan noong umuwi tayo.  Kinuha kita ng taxi.  Lamig na lamig ka noon.
Naalala ko, noong ako ang may lagnat, dinalhan mo ako ng isang litrong apple juice.  Sabi mo, mas maganda ang apple juice kesa sa gamot.  Nawala na agad ang lagnat ko pagkagising ko kinabukasan.
Naaalala ko ang mga daliri mo, payat, mahaba, laging malinis ang mga kuko. 

Naalala ko, isang gabing umattend tayo ng poetry reading sa Benilde.  Nandun din pala ang mga naging kasabayan mo sa literary journal noong college.  Nasa kabilang side sila ng room. Miss na miss na miss ka nila.  Kita ko sa mata nila.  Alam mo bang nagkita ulet kami ng isa sa kanila, si M.  Kasama ko noon si G.  Pagtingin niya sa akin, napangiti siya kay G. dahil siguro ang akala niya ikaw si G.  Hindi niya ako pinansin.  Hindi ko na maalala kung pinansin ko siya o hindi. 

Naaalala ko, sumama kayong dalawa ni G. sa akin na umattend ng workshop sa yoga sa isang mongha na nakatira malapit sa boarding house.  Ang payat-payat mo na pero sinamahan mo pa rin akong mag-vegetarian.  Laging tokwa ang inoorder natin sa Goto King sa SM Harrison.

Naalala ko, nag-submit ako ng tula sa LIRA dahil sa pag-uudyok mo.  Wala akong tiwala sa sarili kong pagsusulat pero ikaw, meron.  Natapos ko ang ilang buwan ng lingguhang workshop dahil sa isip ko, sinasabi mong kaya ko.  Noong oath taking ko para maging official member ng LIRA, tinext kita, ang sabi ko sa iyo, salamat sa tiwala at sa pag-udyok sa akin.  Ang reply mo sa akin, kung hindi naman ako tumuloy, hindi ako makakatapos.  At sabi mo, ipagpatuloy ko lang.  Alam mo bang simula noon hanggang ngayon, wala pa akong naiisulat na tula?  Alam mo bang kaya ako tumula noon ay dahil sa iyo?

Siguro magkikita tayo pero iba na ang lahat.  Siguro hindi na tayo magkikita.  OK lang yun.  Ang sabi nila, ang pag-iisip at pag-aalala daw sa isang tao ay pagtatapon ng enerhiya sa taong iyon.  Nagtatapon ako sa iyo ngayon ng enerhiya.  Enerhiya ng pag-ibig.  Inihahatid ng uniberso.  Sana makarating sa iyo. 








Tuesday, September 3, 2013

Kaya Kong Mabuhay Kahit Wala Ka

Ito ang mas healthy na sabihin kesa sabihing "Mamamatay ako kapag wala ka" o "Hindi ko kayang wala ka sa buhay ko." Kaya kong ipagpatuloy ang buhay ko, kaya kong mabuhay nang lubos, kahit wala ka, kahit mahal kita.  Ganyan ang tamang pag-iisip.  Yan ay dahil  inaalagaan ko ang sarili ko nang tama. Binibigay ko sa sarili ko ang tamang pag-aaruga-- pag-aaruga na hindi ko dapat inaasahan sa kahit na sinong tao. Hindi obligasyon ng iba na arugain ako dahil obligasyon ko iyon sa sarili ko. Kaya kong maging ina sa sarili ko na nag-aasikaso ng mga pangangailangan ko - pisikal, emosyonal, sikolohikal. Iisa lang ang taong responsable sa buhay ko, kung ano ang magiging kalalabasan ng buhay ko, at iyon ay ako. Hindi ako sanggol na kailangang idepende ang buong buhay sa iba para mabuhay. Isa akong ganap na tao. Hindi nakadepende sa iba ang ikasusulong at ika-aatras ng buhay ko. Tanging ako lang ang makakagawa n'un. Kung anuman ang kalabasan ng buhay ko, ako at ako lang ang maaring sisihin o purihin dahil ako ang responsable sa buhay ko at wala nang iba.  Taray.

Kailangan ko ang ibang tao, siempre.  Kailangan ko ng may magmamahal sa akin.  Kailangan ko ng may mamahalin.  Kailangan ko ng mga kaibigan.  Kailangan ko ng pamilya.  Kailangan ko ng mga makakasama sa iba't-ibang gawain sa pagtahak sa lubos na pamumuhay.  Pero sa huli, ako at ako pa rin ang responsable sa buhay ko.  Hindi ko puedeng sisihin ang ibang tao kung hindi maayos ang buhay ko.  Sa huli, ako dapat ang pinakanagmamahal sa sarili ko.  Mas makakapagmahal ako nang tama kung ganun kesa aasahan ko ang ibang punuin ang pagkukulang ko sa sarili ko.





Wednesday, July 17, 2013

Paano malalaman kung totoo kang nagmamahal

Kung ang sakit-sakit na pero hindi mo pa rin siya kayang mahirapan.
Kung may choice kang hayaan na lang siya pero hindi mo kaya.
Kung inaasikaso at iniisip mo pa rin ang kapakanan niya kahit galit ka sa kanya.
Kung bigay ka pa rin nang bigay kahit napapagod ka na.


Friday, March 29, 2013

Totoong Kaibigan (Kindred Spirits)

Ilang beses ko na itong nabanggit sa mga kaibigan ko, sa mga kaibigan kong pinili kong maging kaibigan pa rin.  Sabi ko sa kanila, habang tumatanda tayo, mas bumibigat ang mga responsibilidad, mas kumokonte ang oras para sa pakikipag-kaibigan.  Kung may trabaho ka, may pamilya, konte na lang ang natitirang oras para sa ibang bagay.  Kung madami kang kaibigan, paano mo pagkakasyahin ang kakaunting natitirang free time mo sa napakadami mong kaibigan? Makikilala mo pa ba silang lahat nang lubos?  Makakapagbahagi ka pa ba ng sarili mo kung napakadami mong kaibigan?

Para sa akin, ang totoong kaibigan ay isang kindred spirit, hindi parang pera sa bangko na iiwan mo lang at i-e-expect na lalago ang friendship n'yo over the years.  Ang totoong kaibigan para sa akin ay yung hindi mo mapigil na hindi magbahagi ng sarili sa kanya, malayo man siya o malapit.  May connection kayo at nararamdaman n'yo itong connection na ito, malayo man kayo o malapit.

Ito ang dahilan kung bakit nitong mga nakaraang taon, may mga taong nilaglag ko na sa roster ng pagiging "kaibigan ko".  Masakit pakinggan, pero siguro talagang kailangan iyon sa buhay.  Hindi naman sa hindi ko na sila pinapansin o kinakausap, pero pinili ko na lang ang mga taong papapasukin ko sa pinaka-kalooban ko.  Tulad nga ng sabi ko sa isang tao, hindi ko naman kailangan ng madaming kaibigan.  Kailangan ko lang ilang kaibigan na talagang totoo.  

May 3 akong totoong kaibigan mula high school. May 1 noong college.  2 from former work.  At 1 sa grupo ko ngayon.  At may ilan pang medyo close pero hindi pa din pasok na pasok sa pinaka-loob ko.  Madami pa din akong ibang kaibigan pero hindi na sila nakaka-abot o nakakalapit man lang sa pinaka-loob ko.  Hindi ko alam kung bakit, pero hindi ako ang tipo ng taong basta na lang nagpapapasok ng mga tao sa pinaka-loob ko.  Mawala man lahat ng ibang kaibigan sa outer circle ng loob ko, hindi ako masyadong matitigatig.  Masasaktan, oo, at mami-miss sila, kung sakaling lalayo.  Pero, matitigatig mula sa loob, hindi.  Hangga't nandiyan at patuloy kaming nagbabahagian ng sarili ng mga pinaka-kaibigan ko, ng kindred spirits ko, hindi ako matitigatig.