Monday, January 21, 2008

Mga totoong tao

Kailangan ko nang magsulat kahit wala akong naiisip isulat. Siguro tungkol na lang sa Fiesta kahapon.

Fiesta sa amin kahapon. Dinayo kami ng mga kamag-anak namin sa Lucena. Mga kapatid at pamangkin ni Nanay. Madaming mga batang kahapon ko lang unang nakita -- mga anak ng mga pinsan ko. Ngayon na lang uli kami nagkasama-sama. Ang cool ng mga tiya ko at mga pinsan kong mga babae. Sila-sila ang nag-iinuman. Kung tutuusin, mas masaya ang mga kamag-anak ko sa side ng Nanay ko kasi magkakasundo lahat sila. Ang mga tiyo ko at ang mga pinsan kong lalake, pinakikinggan nila ang pinakamatanda kong tiya-- na nakisayaw sa amin kahapon. Halos lahat sila ang gaganda ng boses. Hindi na ako na-e-excite sa videoke kasi nakakasawa na at naiingayan na ako. Pero sila, nakita ko talaga ang excitement nila noong dumating na ang hiniram naming sound system at magic sing. Wala na kasing mahiramang videoke kaya humiram na lang kami ng magic sing at kumpleto pa ang sound system. Nakahiram kami sa kapatid ni Ate Mabel. Ang galing, meron talaga silang sound system sa bahay. Ang speakers nila, may tripod pa. Puede na nga silang magpa-arkila. Mobile sound system.

Anyway, ang mga taga-Lucena kong kamag-anak. Ang totoo, mas gusto ko silang kasama kesa sa mga kamag-anak ko dito sa Lipa. Ang mga tiyo at tiya ko dito, nag-aaway sila sa pera. Minsan iniisip ko, mas masaya pa ang mga kamag-anak ko sa Lucena kahit hindi sila kasing-asenso ng mga kamag-anak ko dito sa Lipa sa side ng Tatay ko. Wala nga siguro sa kanilang propesyonal at wala siguro silang mga negosyo tulad ng mga tiyo at tiya at mga pinsan ko dito sa Lipa, pero tuwing may okasyon, kita mo sa kanila na nilalasap nila bawat sandali na magkakasama kami. Hindi sila nahihiyang sumayaw kapag napapasayaw sila. Kahit mga Tiya kong mas matanda pa kay Nanay. Ang cool!! Mas nagmana 'ata ako sa side ni Nanay kesa sa side ni Tatay. Ang mga tiyo at tiya ko sa Lucena, mga magtitinda ng isda sa palengke, mas masaya kapag kami ang nagkakasama-sama sa okasyon tulad ng fiesta kahapon. Nagbabalak nga na mag-reunion. Ang saya n'un.

Gusto ko silang kakwentuhan kasi hindi nila nilalagyan ng pabango ang mga sinasabi nila. Mas gusto ko ang gan'un. Walang plastikan. Mga totoong tao. At marunong silang magsaya. Sila ang living testament na hindi naman kailangang maging mayaman para maging masaya.

No comments: