Ang mortality (hindi ko alam kung ano ito sa Tagalog) ang isa sa pinakamahalagang definition ng term na "tao". Mas special ang mga bagay bagay sa isang tao kung alam n'yang may katapusan ang mga bagay-bagay sa kanyang buhay. Kung immortal ang isang tao, bale wala sa kanya ang mga bagay-bagay dahil alam n'yang may pagkakataon s'yang ulit-ulitin iyon nang ulit-ulitin. Ang mortality ng tao ang nagbibigay hindi lamang ng kulay kundi ng kabuluhan sa mga bagay-bagay. Ito ang nagmomotivate (ano ba ito sa Tagalog?) sa tao para gumawa nang maayos dahil wala na'ng magiging pagkakataon para gawin iyon dahil minu-minuto, segu-segundo, palapit nang palapit ang tao sa katapusan. Ulitin n'ya nang uliti'y mauubos ang buhay n'ya sa kauulit.
Huling araw ko na bukas sa pagsasayaw sa dance studio. Apat na buwang Lunes hanggang Biyernes, 8am-10am, halos walang absent. Ang dami-dami kong natutunan hindi lamang sa pag-express ng sarili, sa pagpapalaya ng galaw ng katawan, kundi pati na rin sa pakikipagkaibigan, sa pakikisama sa tao. Ang akala ko dati hindi ko na matututunang makipagkaibigan sa iba't-ibang uri ng tao. Ang akala ko, magiging limited sa mga taong katulad ko (katulad ng education, standing, age, etc) ang mga magiging kaibigan ko. Pero sa dance studio, naging part ako ng group.
Kahit iba-iba ang tao doon, may mga bagay pa ding maaari n'yong pagsimulan kahit sa unang tingin walang-wala kayong masasabi sa isa't-isa-- tulad halimbawa ng simpleng pagbati, pagngiti at kalauna'y pagtawa at kalauna'y halakhakan, usapang pamilya, usapang artista, mga balita sa pali-paligid, pagkain, mga concerns ng mga kababaihan -- kung paano liliit ang bilbil, ang pinakamabisang pagpapapayat, ang period cycle, ang hirap at sarap ng pagiging ina (kasi mga ina ang kasama ko dun), ang pagpapaliban ng pag-aasawa (na advice nilang lahat sa akin), magandang bra sa Avon, saan magandang bumili ng imported na bag, minsa'y usapang buhay ng may buhay. Ang sabi nga ng isa sa mga kasama ko -- "Dalawa lang naman ang masarap gawin sa buhay -- humilata at pag-usapan ang buhay ng iba." I don't agree pero it just shows kung gaano kakulay ang psychology ng iba't-ibang tao. Ang dami-daming maaaring maging character sa isang play. Gagamitin ko ang linyang ito sa aking magiging stageplay.
Ito ang grupo ng mga taong hindi apektado sa kung anumang estado ng ekonomiya ng Pilipinas. Kumbaga sa ideya ni Karl Marx, hindi sila ang controllers of production, hindi rin sila ang workers sa production. Sila ang "The untouchables". Kasi ang purchasing power nila ay nagmumula sa mga asawa nila sa abroad o sa professional services nila o ng mga asawa nilang abogado, doctor. Nagtaas ang bigas, walang epekto sa kanila. Nagtaas ang gas, walang epekto sa kanilang araw-araw na pagdadala ng Expedition at CRV . . at Vios. Nakapasok ako sa isang uri ng class society na sa tingin ko ay hindi pa kasama sa paliwanag dati ni Karl Marx ng mga classes sa kanyang Communist Manifesto. Isang class society na ang laki ng effects sa macroeconomy in terms of purchases pero halos walang effect sa kanila ang kung anumang nangyayari sa national economy. Kung lumiit ang piso, hihingi lang ng mas malaking dollar remittance sa asawa sa abroad o sobrang laki ng excess ng padala in the first place na walang kaso kung magtaasan man ang mga bilihin.
Hindi ko sigurado pero narinig ko minsan sa balita na halos 10 million na ngayon ang OFW. For the sake of argument, sabihin na nating 5 million sa kanila ay may pamilya. Kung isasama natin sa bilang ang asawa't mga anak ng 5 million na ito, safe na'ng i-estimate na 30-40 million na Pilipino ang nakikinabang one way or another sa pangingibang-bansa ng OFW's. That's almost half of the population of the Philippines. Kung tama akong ang population ng Pilipinas ay mga 80 million. Malaki-laking part ng lipunan ng Pilipinas ang mga taong itong nakikinabang sa mga OFW's. Tatawagin ko silang members ng "untouchable class".
I will attempt to define this class in contrast sa working class at yung mga nasa below the poverty line: Habang sa alas-sais pa lang pumipila na sa NFA rice distribution centers ang mga ordinaryong laborers, mga unemployed at mga taong lubog na lubog sa kahirapan --- itong bagong class society na ito ay pupunta sa dance studio at magpapapawis at hindi alam kung ano pa ang gagawin para mabawasan ang excess weight. (Nota bene: Hindi ako kasama sa class na ito. Ako ay isang middle class na ang affinity ay sa Tatay ko na ang source of income ay nandito sa loob ng bansa at hindi sa labas. Pero kung hindi pala ako makiki-ally sa Tatay ko, in a way para ding akong OFW. Kasi ang source ng aking income ay mula sa international companies).
Going back dito sa topic at hand which is this "untouchable class". Hindi ito pang-ja-judge sa lifestyle nila (kasi in a way nakikisama din ako sa lifestyle nila). I am just writing down some observations dahil hindi lang ako naging witness kundi kumbaga ay naging deep penetration agent din ako.
Ito ang mga asawang babaeng malalaki na ang mga anak. Malaya na'ng lumabas ng bahay. Madaming libreng oras sa buhay. Mahirap i-generalize ang mga tao kasi bawat tao, may iba't-ibang unique qualities pero maaari ding makita ang common denominator ng iba't-ibang tao. Sa case nitong "untouchable class", ang common denominator ay yun nga, hindi sila naaapektuhan sa mga economic woes ng bansa. Nagtaas ang mga bilihin, ang gas, lalo na these last few months, pero walang nabago sa lifestyle nila. Araw-araw pa rin silang tumatambay sa coffee shop sa baba ng studio, kapag napapasarap ang usapan, pinagpapatuloy sa lunch sa isang restau sa mall. Kapag napasarap ang kain, maya-maya, nasa dance studio uli, nagpapapawis.
I feel there is a stageplay here or a film. Madaming beses nang na-tackle ang buhay ng mga OFW's sa ibang bansa at ang effect nito sa relationship nila sa pamilya. Pero wala pa akong nababalitaan o napapanood na nag-aaral o sumisilip sa buhay ng "untouclable class" sa Pilipinas. Considering na ang Pilipinas ay isang mahirap na bansa, hindi ba't nakakagulat kung isa kang foreigner tapos makakasalamuha mo ang mga members nitong class na ito. They (sige, isama ko na ang sarili ko) -- We get the best of what the country offers because of our purchasing power but we do not give anything back to our country except maybe for the usual taxes -- purchase taxes at tsaka yung binabawas sa remittance. Since hindi namin sinisipsip sa ekonomiya ng Pilipinas ang aming purchasing power, protected kami sa kung anumang economic standing ng bansa. Kaya normal lang na wala kaming pakialam sa kung ano'ng nangyayari sa lipunan. Wala kaming opinyon maliban sa usapang pamilya at mga bagay na nagiging threat sa security ng aming pamilya. Hangga't hindi nagiging threat sa security ng aming pamilya, hindi namin pinakikialaman.
Again, in contrast sa working class at class na nasa ilalim ng poverty line: May aleng hindi pa nakakapagsaing ng bigas mula umaga dahil kadedelihensya pa lang ng pera at kapipila pa lang sa distribution center ng NFA. Hindi nakakatigatig ang ganitong imahe sa mga members ng "untouchable class". Araw-araw, dumadami ang mga batang kumakaskas sa tint ng kanilang kotse, at ang ikinababahala nila ay ang kanilang tint at hindi ang pagdami ng mga batang walang tirahan at proteksyon mula sa pangsasamantala ng matatanda. Ang mga semi-employed, (katulad ng mga tiyo ko sa Lucena), hindi nila alam kung saan sila kukuha ng sunod nilang kakainin pag wala pang maipatrabaho sa kanila ang DPWH, samantalang ang members ng "untouchable class" halos maglungad sa dami ng kinakain sa maghapon. Ang problema nila'y kung paano pa makakakain gayong bulwak na bulwak na ang tiyan.
Hindi pa ito ang class ng mga tycoons, ng mga Sy, Tan, Ang, Ong, Ayala -- hindi pa ito ang totoong controllers ng production ng bansa. Middle class pa lang itong "untouchable class" na ito. Kakaiba at iba pa din ang characteristics nila sa middle class na ang source ng ikinabubuhay ay dito sa Pilipinas -- entrepreneurs, mga professionals (middle class nga pala ng professionals, hindi kasama sa "untouclable class" kahit madaming professionals sa mga kasamahan ko sa dance studio).
Hindi ko alam kung ano ang patutunguhan nito. Gusto ko lang sigurong isulat ang mga observations ko lalo na ngayong hindi ko na sila makakasama. Last day ko na bukas. Madami din akong naging kaibigan sa kanila. Mamimiss ko ang barkadahang pagkakape, paghahalakhakan, pagtambay sa mall, pag-check out ng mga bagong mga bagay sa mall na hindi ko naman binibili kasi hindi kasing lakas ng purchasing power nila ang purchasing power ko. Mami-miss ko yung manonood ka ng American Idol sa gabi tapos may makaka-share ka ng iyong kuru-kuro sa umaga. (Siyempre, ang "untouchable class" mas feel ang American Idol kesa sa Pinoy Idol. Mas feel din nila ang Hollywood movies at sa TV, mas feel nila ang mga shows sa cable). Bukod pa sa mamimiss ko ang pagsasayaw at ang mga sayaw, mamimiss ko din ang mga taong kasabay kong sumayaw. Mamimiss ko ang mga yun kahit na ano pa sila kahit pa ano'ng class pa sila. There really is such a thing as sharing of oneself even without words. Yung energy na naibibigay mo at nakukuha mo. Yung gaan ng pakiramdam mo, na-ra-rub yun sa iba kahit wala kang sabihin. At kung may taong ganito din ang nararamdaman, mara-rub yun sa iyo. Osmosis. Mamimiss ko ang osmosis tuwing may dance sessions. Mamimiss ko ang mga sayaw. Tuwing maririnig ko sa radyo ang mga kantang sinasayaw namin, napapangiti ako. Special ang sayaw hindi dahil particularly napakaganda ng tugtog, ng music, ng sayaw pero dahil sa memories na naka-ukit sa kanta.
It is not only the freedom to move, to dance, to express freedom na mamimiss ko. It's the whole context that supports freedom for expression. It's the whole environment. Hindi lang ako masigla, hindi lang ako buhay na buhay pero more than that, yung opportunity at supportive environment para sa osmosis papunta sa akin ng buhay, energy at positivity. Yung araw-araw, magigising akong excited at nakangiti kahit may mga bagay na kailangang ipag-worry. Yung araw-araw, magda-drive akong nakangiti sa ganda ng umaga, sa mga motorista, sa mga pedestrians. Yung pagngiting external smile lang ng pagsmile ng iyong kalooban, ng iyong puso. Ang sabi nga ng baduy na baduy na kanta ng laos nang si Sandara Parks, "A Smile in Your Heart". Yung papasok ka sa daily mong pinapasukan at may babatiin ka, may opportunity ka to brighten someone's day. At nasa tama kang environment to pick up the positive vibes of the people na merong ganito at bigyan ng positive vibes ang mga taong wala pa. Everyday is a wonderful day because I am dancing, because I dance dun sa studio na yun, because nandun ang mga taong nandun sa studio na yun. Everyday is a wonderful day because I know that hindi habangbuhay iyon. It will only last for a couple of months.
Everytime I dance I feel I am finally enjoying my birthright: freedom of expression -- ang kalayaang malamukot ang pinakakatas ng buhay. Paano ko maiiwan ang pagsayaw? Maiiwan ko ang "untouchable class" lifestyle pero hindi ko maiiwan ang sayaw. Tuwing nagsasayaw ako, nalilimot ko ang pagkakasulat sa akin ng lipunan. Nalilimutan kong anak ako, bunso akong kapatid, babae ako, middle class ako, may trabaho ako -- nawawala ako sa aking sarili. Nakakalaya ako sa discursive construction sa akin ng lipunan. Ang naiiwan lang ay ang katawan, kaluluwa, at ang musika.
Tapos na "untouchable class" lifestyle. Last day na bukas. Mamimiss ko ang mga tao at ang supportive na environment. Talagang ganito, kailangang may isacrifice para sa priorities. Maghahanap na ako ng malilipatang bahay sa Maynila next week. Mamimiss ko sila. Mamimiss ko ang supportive at masayang environment. Mamimiss kong maging instant pamangkin ng lahat ng mga Tita ko dun. Pero hindi pa ito ang katapusan ng pagsasayaw para sa akin; simula pa lang ito. Paano kong maiiwan ang isang birthright?
No comments:
Post a Comment