Narito na ako, sa wakas, sa pinaghandaan ko ng walong buwan. Napatagal nga, dapat tatlong buwan lang na paghahanda. Madaming pagkakataong sumiksik ang pangamba na baka hanggang paghahanda na lang at kahit maghanda ako nang maghanda ay hindi na dumating ang araw na maramdaman kong handa na nga ako.
Pero narito na ako ngayon. At ngayong narito na ako, natutunan kong hindi pala ito katulad ng pag-akyat ng bundok na pag nakarating ka na sa tuktok, titingin ka sa iyong paligid, mapapatigil ka, lalanghapin ang sariwing hangin, ililibot ang paningin at patuloy na namamangha hindi lang sa narating at sa tanawin doon kundi pati na rin sa sariling lakas at pagsusumikap. Mapapaupo ka sa pagod (sa masarap na uri ng pagod) at iinom ng tubig. At habang patuloy na nilalasap ang pakiramdam ng pagtuntong sa tuktok, naroon ang pag-anyaya ng pamamahinga.
Hindi pala tuktok ang naabot ko.
Ang ilang buwang pag-iipon at paggamit ng lakas ng loob (minsa'y pagpapakubkob din), pagpapalinaw ng sandigang prinsipyo, pagdidisiplina sa sariling pag-iisip at katawan, muli't-muling pagpapaalala sa sarili ng kabuluhan ng buhay at mga gawain lalo na kapag pa-sirok na, ang mga ito at ang pagpupumilit na pagbabalanse ko nito sa pakikipagrelasyon ko sa tao -- lahat-lahat ng paghahanda na hindi man araw-araw nagagawa --- pero sila ang nagtulak sa akin papunta dito. At ngayong narating ko na ang pinaghandaan ko . . . disilussionment (hay, wala atang Tagalog dito).
Wala palang anumang bagay na ginawa ko sa paghahanda ang maaring itigil, maaaring iupo, at ipahinga. Mas malakas pa nga ngayon ang paghatak ng mga gawaing iyon at alam kong kung hindi ko sila muling susubukang gawin araw-araw, gugulong akong pabalik sa aking pinagsimulan.
Hindi pala tuktok ang aking narating kundi mas mataas lang na baitang.
Pahakbang na ako sa sunod na baitang. Pataas. . .
No comments:
Post a Comment