Friday, October 31, 2008

Kung bakit kailangang masarap ang karne

"Freedom does not mean doing whatever you like. Quite the opposite, it means not being a slave to your likes and dislikes."
-- secret

Tuwing may nagtatanong sa akin kung bakit hindi ako kumakain ng karne, hindi kaagad ako makasagot. Minsan, ang sagot ko, kasi mabagal ang metabolism ko, hindi ako makatunaw ng karne. May katotohanan dito kasi simula noong tumigil akong kumain ng karne, umayos na ang pag-download ko (ng dumi). Pero ang pakiramdam ko, hindi ito ang buong katotohanan.

Kanina habang naglalakad ako pauwi, naisip kong kung mag-isip ng mas maayos na sagot. Yun kasi ang pinakamahirap na tanong para sa akin. Sabi ko sa sarili ko, ito ang ihahanda kong sagot: "Kasi sumasaya ako kapag hindi ako kumakain ng karne." Siguradong hindi na ito masusundan ng tanong kung Muslim ako o Sabadista. O kaya, puede ring ngiti na lang, kibit-balikat at "Wala lang."

Hindi naman sa wala akong reason sa pagtigil ng pagkain ng karne. Hindi ko lang mai-explain yung reason. Ayaw ko ngang tawagin ang sarili ko na vegetarian. Ang notion ko kasi ng isang taong "vegetarian" ay isang taong dapat sumusunod sa kung ano'ng ibig sabihin ng vegetarian at sa pilosopiya ng vegetarianism. Pero wala naman akong sinusuportahang pilosopiya at hindi ko naman ina-align ang sarili ko sa kung ano ang definition ng vegetarianism.

Ang pinaka-totoong dahilan kung bakit ako tumigil kumain ng karne ay dahil wala akong pambili ng karne. Nawalan ako ng pambili ng karne kasi nawalan ako ng income. Nawalan ako ng income dahil nagpaka-bohemian ako pagdating ko ng Maynila. Nagpaka-behomian ako hanggang paubos na ang pera ko at isang buwan pa akong kailangang magtrabaho para magka-pera ulit.

Naka-survive ako ng isang buwan na P400 lang ang panggastos sa pagkain at transpo around Manila kada linggo dahil laging steamed kangkong o okra o pritong talong ang ulam ko. Namamalengke ako ng gulay para sa lunch at dinner at nag-go-grocery ako ng cereals at gatas pang-almusal. Yung natitirang P100 pamasahe ko papuntang mall sa tuwing pakiramdam ko mapa-praning na ako at ang natitirang P100, pasalubong ko sa mga pamangkin ko sa Lipa. Lahat ng ipinangkain ko sa labas pag may kasamang mga kaibigan, ipinanood ng sine, ipinang-taxi -- utang ko yun sa credit card kasi less than 3k lang ang budget ko noong una kong buwan ng pagtigil ng karne. Pangalawang buwan ko ng binabayaran ang utang ko sa credit card at siguro mga 4 na buwan pa para mabayaran ko lahat ng bohemin expenditures ko.

Alam kong may mauutangan ako at may nag-aalok naman, pero pinigilan ko ang sarili kong mangutang. Gusto kong magtanda ako. Gusto kong turuan ang sarili ko ng leksyon. Gusto kong iparanas sa sarili ko kung ano ang nangyayari sa taong puro pasarap sa buhay ang gawa. Hindi na uli siguro ako magka-kaskas nang magka-kaskas ng credit card nang wala akong pambayad at nang wala akong kinikitang pera Hindi na ako ulit magbubuhay maharlika dahil hindi naman ako maharlika. Maharlika lang ako dahil, heto na, aaminin ko na, spoiled ako sa parents ko, pero dahil pinili kong maging independent, kailangang magbaba ng antas ng buhay. Aliping namamahay na ako ngayon.

Kaya't nag nagbunsod sa akin para talikuran ang sizzing sisig at grilled pusit-- mga paborito kong ulam--ay karukhaan.

Totoo ito pero hindi pa rin ito ang buong katotohanan. Ang isa pang dahilan ay dahil noong college pa ako, nasubukan ko na'ng hindi kumain ng karne ng ilang buwan. Umattend kami ng yoga class kay Didi, isang monk sa Ananda Marga Manila at masyado akong nahikayat. Sumagi sa isip kong maging monk din. Dahil sobra akong nahikayat, nagsimula akong maging vegetarian at nagsimula akong umattend sa meditation session ng Ananda Marga na sumasayaw na nakataas ang dalawang kamay, nakapikit ang mata at paulit-ulit na kinakanta ang "Baba Nam Keba Nam Baba Nam." Hindi ko alam ang ibig sabihin n'yan, Sanskrit daw na mantra. Basta ang alam ko noon, gusto ko ang pakiramdam ko kapag nakakasama ko sila sa meditation session. Natural high iyon. Hindi ko nga lang ito naipagpatuloy kasi hindi kami nakapagbayad ng 4-session yoga at hindi ko na naisauli yung hiniram kong libro. Hindi ko rin naipagpatuloy kasi bumalik akong mag-yosi.

Marami pa akong naiisip na puede kong isagot at totoo lahat ito: bata pa kasi ako, mahilig na ako sa gulay. . . for good health. . .para humaba ang buhay ko para marami na akong oras na magsulat ng tula, play at films pag 70's na ako. . . kasi yung mga isda baka kinain ang mga lumubog sa dagat, yung mga pasahero ng MV Princes. . . kasi sabi sa balita, tinuturukan ng pampataba at salmonella ang mga manok. . .kasi ang mga baboy at baka nakaka-trauma ang sigaw pag pinapatay sa slaughterhouse . . .kasi may mga baka na ang pinapakain ay tinadtad na baka. . .kasi bata pa ako hindi ko na matagalan ang amoy sa isdaan. . . ito, caution, mushy ito pero tulad ng iba, totoo -- pinagpapatuloy ko ang pag-aayuno kahit tapos na ang holy week, pakiki-isa araw-araw sa paghihrap ni Jesus. . . kung hindi ako alipin ng pleasure ko sa pagkain, siguro madali na'ng hindi maging alipin sa iba pang pleasurable things (hypothesis lang). . .

Kawawa ang sunod na magtatanong sa akin kung bakit ako vegetarian. Mahaba-haba na ngayon ang isasagot ko.

No comments: