Kunwari, magkasama tayo. Kunwari, sa beach. Malawak na puting buhangin. Pero hindi sa Boracay. Hindi rin sa Cebu. H'wag din sa Subic. Hindi yun sa Bohol. Basta, puting buhangin. Hindi pala buhangin. Dinurog na shells na kulay puti. Trak-trak na durog na shells na kulay puti. Durog na durog pero alam mong gawa sa puting shells. White sand nga rin ang tawag pero matalas, nakakahiwa ng talampakan pag nilalakaran nang walang tsinelas. Pero mula sa malayo, maganda. Para ngang Boracay.
Kunwari naalala natin ito.
Isang daan kunwari ang renta ng mga lamesa, gawa sa pinagdikit-dikit na kawayan, ang upuan, isang mahaba at malusog na kawayan. KA-WA-YAN. Tatlong daan kunwari ang cottage, sobrang mahal. Wala tayong pera, kunwari. Sa sasakyan na lang tayo nagbihis ng pampaligo. Kunwari, may sasakyan tayo. Kunwari, kulay gold.
Kunwari, pagabi na. Kunwari, hindi summer. Malakas ang hangin at malamig--masakit sa balat. Kunwari, katatapos lang ng n'un ng Pasko. Kaya kakaunti lang ang tao sa beach. Tayo lang, kunwari.
Hindi pala, kunwari may isang pamilya. Nasa dagat sila, sa mababaw lang. Hanggang bewang nila ang tubig. Nakatayo lang sila at nag-uusap. Nanay, Tatay at dalawang binatilyo. Nag-uusap sila pero hindi sila maingay. Minsan tatawa. Malapit lang sila sa atin. Naririnig natin sila, pero hindi natin sila maintindihan. Mga Koreano, kunwari.
Kunwari, nakaupo tayo sa buhangin--na hindi naman talaga buhangin pero tawagin na rin nating buhangin kasi mukha naman talang buhangin sa malayo. Kunwari, nakaupo tayo sa buhangin. Nakatingin sa dagat pero ang totoo sa mga Koreano. Walang sunset kasi hindi nakaharap sa West ang dagat. Kunwari, sa East. Kaya walang sunset.
Kunwari, nakatingin tayo sa mga Koreanong nagkukwentuhan pero pag tumitingin sila sa atin, kunwari, hindi natin sila tinitingnan. Pero ang totoo, tinitingnan natin sila.
Kunwari, ito pala ang totoo---
Ang totoo, nagkukunwari lang talaga tayo. Magkasama tayo kunwari pero ang totoo hindi naman. Ang totoo, totoo ang alaalang ito at tayo ang nagkukunwari. Nagkukunwaring masaya. Nagkukunwaring hindi nasasaktan sa mga salitang singgaan-singtalas ng hangin pag Disyembre. Nagkukunwaring walang nakakahiwang salitang gustong itapon sa isa't-isa.
Kunwari, ako lang pala ang nagkukunwari. Ako lang pala ang nagkukunwaring masaya, nagkukunwaring hindi nasasaktan, nagkukunwaring walang gustong sabihin.
Kunwari, dalawa lang ang pagpipilian ko-- ang alaala o ang pagkukunwari. Kaya mo bang isiping totoo ito at ang pinili ko'y ang alaala? Naiintindihan mo ba kung bakit? Mas totoo ang alaala ng buhanging puti kesa sa pagkukunwari, hindi ba?
Naaalala kita, ang puting buhanging hindi talaga buhangin at matalas sa paa, ang dagat na walang palubog na araw, ang lamig ng hanging masakit sa balat--ang lahat ng mga lugar, bagay, salita na nandun ka -- naalala ko ang mga ito at sa aking isip ito ang totoo.
Dito ako muling nagsisimula ngayong gabi, sa totoo.
Sana, hintayin mo akong matutunang palayain sa isip ko ang tayong nagkukunwari. Ang akong nagkukunwari. Kahit na puro kunwari ito, sana maniwala kang may totoo dito.
No comments:
Post a Comment