Monday, March 17, 2008

Nakalulungkot na kaligayahan

Chronic Mild Stroke. Meron palang ganito. Ilang years na'ng may nagbabarang ugat sa utak at ngayon lang nagkakaroon ng visible signs. Nahihirapan s'yang maglakad, nangingimay ang kaliwang paa at kamay. Dinalaw namin s'ya sa ospital kagabi. Umiyak s'ya. Kita ko. Pero napigil n'ya kaagad at napahidan ng tissue.

Mahal ko pala s'ya. Makalilihis pala ako sa ordinaryo kong tinatahak at makakagawa ng bagay para sa kanya. Makakapagsakripisyo pala ako para sa kanya. Kahit ilang na ilang ako sa kanya at hindi ako komportableng kasama s'ya, kaya ko pala s'yang ipagdasal, tahimik lang pero taimtim, na sana gumaling siya at makauwi na.

Hindi ko pala kailangang maging malapit sa tao para matutunan s'yang mahalin. Hindi pala nakabatay ang pagmamahal sa pagbibigay sa akin ng inaasahan kong dapat ibigay at ipakita sa akin. Ang pagmamahal pala, tulad ng landslide, lahat ng madadaanan ay madadala. Nadaanan ako, nadala ako at ngayo'y kasama ako sa agos.

Noong unang beses kong mag-eroplano patawid sa Pacific Ocean, inulan kami ng kidlat at gumalaw-galaw ang eroplano, taas-baba. Ang sabi ko sa sarili ko, iba nga pala ang sakay sa eroplano. Mas safe pa nga pala sa barko. At least kung magka-aksidente sa barko, puede akong tumalon sa dagat at mag-floating. Nasa gitna man ako ng Pacific Ocean, at least, may chance na ma-rescue. Sa eroplano, pag biglang nasira ang makina o natanggal ang isang pakpak, mahirap nang ma-rescue. Lahat ng buhay ng lahat ng tao na nasa eroplano, hawak ng mga piloto. Hindi pala, hawak ng Diyos. Noong nagsimulang tumataas-baba ang eroplano na parang sasakyang nagmamatulin sa lubak-lubak na kalsada, ang sabi ko sa sarili ko, hindi pa ako puedeng mamatay.

Pero noong napansin kong hindi tumitigil ang lubak at nagkakatinginan na ang mga pasahero, ang sabi ko sa sarili ko, at least, kung mamamatay ako, nagmahal naman ako. Nagmahal ako sa totoong uri ng pagmamahal. Inalala ko kung paano nangyari yun. Tama naman pala, sabi ng alala ko.

Hindi ako depressed at suicidal pero kung mamamatay ako ngayon, ok na. Alam kong nagmahal ako at sapat na yun. Marami pa akong gustong gawin pero, naisip ko lang, sa himpapawid man, sa dagat o sa lupa, hindi ko hawak ang buhay ko. Sino ba talagang makapagsasabi? Segu-segundo, binibigay sa akin ang hininga ko, ang paningin ko, pag-iisip ko, katinuan ko. Ang sarap mabuhay!

Sana may mayakap ako ngayon. Sana andito ang mga bata. Life is good, I am happy and I am lonely.

No comments: