Friday, June 4, 2010

Mga Bata Vs. Mga Ka-edad

Sabi kanina ni Chico sa The Morning Rush, mas gusto daw nyang kasama ang mas bata sa kanya kasi yun daw mga ka-age nya, sobra na daw seryoso. Gustong-gusto daw n'ya pag pumupunta ang mga pamangkin nya sa bahay nya kasi naglalaro sila ng helicopter na de-remote control.

Ako din, gusto ko ding kasama ang mga bata. Hindi kasi sila people-pleaser. Kung ayaw nila sa iyo, ayaw nila sa iyo. Kahit bigyan mo ng chocolate, kukuhanin lang nila ang chocolate pero kung ayaw nilang magpa-embrace o magpa-kiss, ayaw nila. Sa mga bata, ang ayaw ay ayaw, ang gusto ay gusto. Kapag gusto ka nila, talagang gusto ka nila. At kapag gusto ka nila, talagang pinapakita nila. Niyayakap ka. Lagi kang hinahatak at niyayaya. Lagi kang kinukulit. Lagi kang kinakausap at kapag lumayo ka, hinahanap ka.

Kapag tumatawa ang mga bata, alam mong masaya sila. Kapag may masakit sa kanila, hindi sila nagpapanggap na okay lang sila. Umiiyak sila.

Kapag may gusto silang bagay o laruan , sasabihin nila at hindi nila ikinahihiyang gusto nila yun. Hindi sila titigil hangga't hindi nila makuha yun o hangga't hindi nila naiintindihang hindi puede kung hindi puede.

Sinasabi nila kung ano ang nasa isip nila. Hindi sila natatakot kung hindi sila magustuhan ng sasabihan nila o hindi. Kung napapangitan ako sa sarili ko o sa gupit ko, o suot ko, o kung natatabaan ako sa sarili ko, ang tinatanong ko kung totoo yun ay mga pamangkin ko kasi hindi sila nagsisinungaling. Sinasabi nila ang totoo.

Isang beses na nakita akong may suot na reading glasses ng isa kong pamangkin, sabi nya sa akin, "Ninang, (inaanak ko rin kasi sya) tanggalin n'yo na yan, nagmumukha kayong matanda."

Kung may isang araw akong libre at papipiliin ako ng kung sino ang makakasama sa araw na yun -- mga importante at may-sinabing tao o mga bata sa kalye, mas pipiliin ko ang mga bata sa kalye kahit magagaslaw sila, kahit mga amoy pawis sila at madudumi. Kapag kasi nakuha mo ang loob nila, ang dali nilang pasayahin.

Ngayong nahihirapan ako sa trabaho ko at ang dami-daming negative thoughts na tumatakbo sa isipan ko, ang isang positive force na nakakapagbigay sa akin ng strength para magpatuloy ay yung thought na hindi naman talaga party planning service at balloon decorating ang business ko. Kumbaga sa construction, mga equipment ko lang sila. Ang business ko talaga ay magpasaya ng mga bata at buhayin ang mga bata sa bawat matanda na sobrang seryoso na sa buhay. Naks! Pero totoo ito.

Na-miss ko tuloy makipaglaro ng bahay-bahayan sa mga pamangkin ko. . . Ngayong weekend!!! Weeeeeeeeee!!!!!!!

No comments: