Thursday, January 28, 2010

Biglaan

Sabi ko sa isa kong kaibigan n'ung huli naming pagkikita, mas effective sa akin ang mga bagay-bagay pag biglaan. Noong huli kong mag-quit magyosi (na naging successful nang mahigit 2 taon na ngayon) ginawa ko yun nang biglaan. Cold Turkey.

Hindi pala lahat ng bagay makukuha sa biglaan. Binigla ko ang sariling magpaka-healthy living ngayong linggo. Binalak kong mag-detoxify. Sinimulan ko noong Lunes. Ang sama na kasi ng pakiramdam ko sa sarili ko. Hindi na ako komportable sa katawan ko. Ang bigat-bigat ko ng kumilos.

Sabi ko sa sarili ko, kailangang magbago na ako ng lifestyle. Kailangang i-jumpstart ang healthy lifestyle sa pamamgitan ng detox diet. Noong Lunes, prutas at gulay lang ang kinain ko. Sabi ko sa sarili ko pagkatapos ng isang araw, kaya kong nasa detox diet na ganun hanggang Biyernes. Pagkatapos nun, magiging ok na ang eating habit ko. Kinabukasan, may tonsilitis at may lagnat ako.

Ang una kong naisip, normal lang yun pag nagdedetox dahil ang ibig sabihin n'un ay nagsisimula ng lumabas ang mga toxins. Yung mga toxins na nakuha ko sa sigarilyo dati, lumalabas na ngayon kaya ako nagka-tonsilitis. Sobrang taas ng lagnat ko noong gabing yun.

Miyerkules nang umaga, nagtext sa akin ang kapatid ko, pinapauwi ako ng Lipa kasi may mga dokumento daw na kailangang pirmahan naming lahat. Malakas ako kay Kuya eh at mahina ako sa goal setting. Umuwi ako ng Lipa kahit sabi ni Kuya, magkita na lang daw kami sa Alabang para dun ko pirmahan.

Masama na rin talaga ang pakiramdam ko. Humihina ba talaga ang resolve ng tao pag may sakit sya? Bilib talaga ako kay Gandhi!

Umuwi ako at kumain ng lomi pagdating sa Lipa. Tapos nag take-out ng relyenong bangus at sinigang na maliputo ang isa kong kapatid.

So much for detox diet.

Kung may isa akong natutunan sa nangyari, yun ay wag magmadali.

Tutugtog sana ako ng organ kanina. Habang binubuksan ko ang organ, naisip kong ang tagal ko na palang hindi tumutugtog. Sabi ko sa sarili ko, babalikan ko ang pinag-aaralan ko dati n'ung huli kong binuksan ang organ. Nag-aaral ako dating kumapa sa organ.

May binili akong book noong nagbakasyon kami sa U.S. How to Play from a Fake Book ang title. Step-by-step guide iyon para matuto kang mag-improvise sa organ o keyboard o piano kahit na ano'ng kanta.

Sabi ko sa sarili ko kanina, mag-aaral na ulit ako nun. Bigla kong nakita ang sarili kong nagmamadali na naman. Gusto ko agad matutunan ang buong libro, excited na akong makapunta sa Chapter 2, ni hindi ko pa nga nagagawa ang exercise sa Chapter 1.

Heto ang divine intervention. Tuwing may dilemma ako, tanong o problema, lagi na lang may tao, pangyayari, libro o pelikulang nangyayari para magpa-realize sa akin ng bagay tungkol sa sarili ko at buhay ko. Ngayong hapon, iyon ay isang pelikula. Palabas kanina sa Cinema One ang Ina, Anak, Kapatid. Lumang pelikula na ito, ang bida ay si Charito Solis at si Lolita Rodriguez.

Siguro 70's pa ginawa ang pelikulang iyon kasi dalagita pa lang si Rio Locsin. Tuwang-tuwa ako sa character ni Lolita Rodriguez. Naglalakad siya, nagsasalita siya, tumitingin siya as if she has all the time in this world. Tuwing magdedeliver s'ya ng line, napaka-malumanay. Mas nagkaroon ng power ang character niya dahil hindi siya katulad ng character ni Charito Solis na salita na lang ng salita at parang hindi mapakali.

Idol ko na ngayon si Lolita Rodriguez. Ang isang scene lang sa movie na hindi ko nagustuhan ay yung nakipag-away siya physically kay Charito Solis. Nawala ang poise nya kasi nagulo ang buhok nya, hehe. Pero, that's just me.

Dahil sa pelikulang ito, na-relize ko na mas magagawa ko ang mga kailangan kong gawin sa araw-araw kahit gaanong kasimple kung relaxed ako at hindi nagmamadali.

Nasanay na ako sa trabaho ko. Kailangan laging nagmamadali. Pero ngayong wala na ako sa trabaho ko, puede na akong maging katulad ni Lolita Rodriguez. Haha!

Hindi kailangang magmadali. Mas may power kung steady lang, relaxed at hindi nagmamadali. Basta may consistent effort.

Consistent effort -- with prayer, kaya ko yan!

No comments: