Friday, January 11, 2008

Diklom

Mga bagong salitang natutunan ko ngayong araw:

-- diklom
--dag-im

Dumiklom, dumag-im synonymous sa dumilim ang langit, nagkulimlim. Sa tiya ko ito natutunan kanina. Ang sabi n'ya, "Pupunta sana ako sa baba pero bigla namang dumiklom." (Ang baba ay ang bahay ng isa ko pang tiya na malapit sa creek kaya pababa ang lupa). Tinanong ko ang tiya kong kakwentuhan kung ano ang "dumiklom". Ang sabi n'ya "Dumiklom. . . dumag-im." Sabi ng Kuya ko na nand'un din, "Hindi mo alam yun? Dumiklom, dumag-im, nag-dagitab?"

Whatever. . .hehe. .

May pinsan akong umayos ang posisyon sa cruise liner sa US na namomroblema ngayong huling uwi niya. Nagsimula siya sa barko bilang isang bell boy pero na-promote siya na head ng lahat ng mga bell boy (na hindi ko natanong kung ano ang bagong trabaho, siguro, taga-utos na lang sa mga bell boy at hindi na nagbe-bell boy). Itong pinsan kong ito na biglang umasenso, namomroblema siya ngayon kasi ayaw na'ng i-renew ang contract n'ya sa cruise liner na pinagtatrabahuhan n'ya. At 'eto pa, at mas malala, nakabuntis pa s'ya ng babaeng kasama n'ya sa trabaho sa barko. Ang sabi ng mga bubwit, alam daw ng asawa ng pinsan ko ang pangyayaring ito. At namomroblema ang mag-asawa, hindi dahil sa pagtataksil ng lalaki kundi dahil sa hindi matatakasang sustento sa lumabas na unang anak (sa labas). Sa pinakahuling sagap ay 25 thousand pesos (hhhwaht!!!) kada buwan ang hinihinging sustento ng babae dahil sa pagkakatigil niya sa pagtatrabaho bilang chambermaid dahil sa paglobo nga ng kanyang tiyan. Na pinalobo nga ng aking pinsan.

Hindi ko na naman ito kailangang pakialaman pero papakialaman ko na rin. Blog lang naman ito. Lumapit ang pinsang ito sa kapatid ko at humihingi ng tulong. Umuutang ang pinsan ko para makapag-apply sa ibang kumpanya dahil nga, ayaw na ngang ipa-renew ang kontrata niya. Mapapatotohanan ito mismo ng aking sariling mga mata dahil nandoon ako sa tindahan nang nagpunta doon ang pinsan ko at mula naman mismo sa bibig ng Kuya ko nagmula ang balitang kaya napadalaw sa tindahan ang pinsan ko ay nangungutang nga sa kapatid ko itong pinsan ko. Dahil nga sa problema ng pinsan ko sa trabaho at sa babae.

Isa pang rising action, may kutob akong nag-apply si Kuya ng loan sa AsiaLink Lending Corp. isang lending corporation na ang sabi'y naka-base daw sa Maynila, para tulungan ang pinsan kong ito. Bakit ako kinutuban? Dahil tumawag sa akin ang Asialink kanina, ako mismo ang nakausap at maliwanag na maliwanag ang sabi ng babae sa kabilang linya ng telepono. Character reference daw ako ng kapatid ko sa kanyang ina-apply na loan. Sa madaling salita ay may partisipasyon ako sa naturang mga pangyayari sa buhay ng aking pinsan. Kaya't sa muling pagsisiyasat ay hindi lamang ako nangingialam dahil blog lang ito, kundi, bilang isang character reference, moral obligation ko ang makialam. Dahil nga ako ay isa sa mga kailangang sanggunihin ukol sa character ng nag-aapply ng loan na ito ngang kuya ko. Kung sakaling may narinig na hindi kaaya-aya ang loan officer ng Kuya mula sa isa sa kanyang mga character references, kung tama ang aking kutob na ito ay para sa aking pinsan, may posibilidad na hindi ma-aprubahan ang loan. May posibilidad na hindi makautang si Kuya. At may posibilidad na hindi matulungan ni Kuya ang aking pinsang namomroblema. Samakatuwid, kung hindi ako mangingialam, may posibilidad na hindi mabigyang solusyon ang pinoproblema ng pinsan ko at ngayo'y problema na rin ng Kuya ko.

Kaya't 'eto na nga't pakikialaman ko na sila. Ang pinsan ko muna. Bakit hindi n'ya inuna ang pagtatabi ng pera sakaling dumating ang mga hindi inaasahang mga pangyayari katulad nito? Bakit niya inuna ang pagbili ng magarang sasakyan?

At ang kapatid ko. Bakit hindi na lang siya humindi sa pinsan ko kung talagang napakalaki ng kanyang inuutang o wala s'yang maipapautang? Bakit kailangan pa n'yang isangkalan ang pangalan n'ya sa Lending Corp. kung totoo nga ang aking kutob na ang tumawag sa akin kaninang loan officer ay loan ni Kuya para sa pinsan ko?

At sa akin. Bakit ba napaka-judgmental ko sa mga tao? Bakit hindi ko na lang tingnan ang sarili ko? 27 years old na ako, wala pang maipagmamalaki kundi na anak ako ng Tatay kong nakaaangat nga pero wala namang kasiyahan sa buhay. Bakit hindi ako maging katulad ng iba kong mga pinsan? Maayos ang trabaho. Mga normal ang trabaho. Nagbibihis ng business attire, nagme-make-up, pumupunta sa opisina tuwing umaga (o gabi, o madaling-araw). May maipagmamalaki sa lipunan. Nakakabili na ng sarili nilang kotse. Hindi umaasa sa pa-kotse at pa-gasolina ng mga ama nila. Hindi ginagamit ang koneksyon ng pamilya para maka-una sa linya sa pagbabayad sa bangko (na ginawa ko kanina) o pag-aasikaso ng mga papeles sa mga opisina (notaryo, auditing, halimbawa). O maka-libre sa bayad sa pa-check up sa ospital. Ako, ha, may magagawa ba ako sa lipunang hindi ko ipaghihirap kung hindi ako anak ng aking ama? Ha? Ha? HA?!

Aray. . . .

Biglang dumiklom ang aking puso.

No comments: