Tuesday, January 8, 2008

Paghahanap sa Kabuluhan

Nakakainis! May pumasok sa isip kong lines sa isang librong matagal ko nang nabasa na hindi ko maalala! Hindi ko maalala ang librong yun at hindi ko maalala ang lines. Shet! Pero ang sinasabi doon ay puede naman daw mabuhay ang author ng libro na hindi sumusulat pero, ito lang ang natandaan kong words, "with less scintillating joy". Hay, ano kayang book yun? Akala ko mula ito sa foreword ng poetry book ni Luisa Igloria na "Blood Sacrifice" pero ngayong tinitingnan ko, wala namang foreword ang book na ito.

Gagawin ko sanang epigram ang lines na yun sa entry ko na ito. Well, that's life. Matutunton ko din yun sa tamang oras. Wala akong madaming oras ngayon para isa-isahin ang mga libro ko.

Naisip ko lang (at kailangan kaagad isulat para hindi mabulok) na naiintindihan ko na ngayon ang sinasabi ng author na yun (kung sinumang author siya at kung anumang libro n'ya). Kung nakita ko yun, yun din mismong lines na yun ang sasabihin ko ngayon. Totoong kaya kong mabuhay nang hindi nagsusulat. Ilang taon akong hindi nagsusulat. Napakadaming beses na tinangka kong magsimulang magsulat pero sa tuwing kaharap ko na ang journal o papel, o tissue, o dingding -- blangko. Wala akong maisulat. Ang pakiramdam ko noon, wala akong maiisulat dahil wala namang kabuhay-buhay ang aking buhay: magpapakapagod sa trabahong hindi ko pinaniniwalaan at magpapahinga para magpakapagod uli. O kung hindi naman magpapakapagod ay magpapakontrol sa restlessness ng utak o sa pagkasura sa sarili o sa paghihintay sa mga pangyayaring walang kasiguruhang makakarating. Nagalit ako sa pagsusulat dahil hindi niya ako inaruga. Pinabayaan n'ya ako. Hinayaan n'ya akong maligaw. At ngayon, naisip ko, na isa ito sa pinaka-childish, selfish, egoistic kong pananaw. Kinukurot ako ng mga salitang: "Ako ang may katawan; ako ang tao. Ako dapat ang umaaruga sa aking pagsusulat." At nakakagising ang kurot na ito.

Kung ako ay isang Greek tragic hero, ang isa siguro sa mga character flaws ko ay inconsistency (siguro kung tragic hero ako, namumutakti ako ng character flaws kaya't hindi siguro ako magiging magandang character sa isang Greek tragedy dahil dadami ang sub-plots) Marunong naman akong magmahal ng isang ideya. Kaya kong magbabad sa init ng araw, magputik, magdukal ng lupa, magtanim ng ideya. Pero kung sumibol na ang ideya, 'eto na ang problema. Lagi-lagi kong iniiwan, pinapabayaan, hindi dinidiligan. Malimit, nalulunod ako sa kaligayahan sa pagsaksi ng pagsibol at napapako ako sa pagpapalaki hindi ng ideya kundi ng aking ego dahil masyado akong nagandahan sa ideya (Lecheng ego, patayin!!) Kung hindi naman, nagpapatangay ako sa hanging nagsasabing "Wala naman 'yang kuwenta." Masamang hangin ang nagsasabi n'un at tanga akong nagpapagoyo dahil walang anumang bagay na umusbong sa pagmamahal na walang kuwenta. May kabuluhan ang lahat na nagsimula sa pag-ibig.

Isa akong taong mapaghanap sa kabuluhan. Hindi ko alam kung bakit, siguro hindi lang ako nagtatanong, siguro lahat ng tao ganito. ( O siguro dahil Libra ako -- ang convenient answer sa tuwing wala nang ibang maisip)
Siguro, mas tama ang una kong sinabi.

Kung anumang dahilan, malinaw na malinaw, bumabatingaw,
ngayong tanghaling tapat
ang kabuluhan para sa akin ng pagsusulat:

Sa tuwing nagsusulat ako, bumabalik ako sa aking Sarili.

No comments: