Thursday, January 24, 2008

Nakapagpapabagabag

May mahahalagang tanong na bumabagabag sa akin pero ang mas nakakabagabag ay wala akong sagot sa mga tanong ko.

Panahon kasi ngayon ng mga exams sa school. Nagsisipag-aral ang mga pamangkin ko. Naalala ko ang mga panahon ng exams na nag-aaral pa ako. Simula noong grade school ako. At ang bumabagabag sa aking tanong ay ito: bakit kaya nakakatawang ikwento ang mga cheating strategies kapag may tests? Kinukwento ko ang cheating strategies ko sa mga pamangkin ko at natatawa kami. Pinakanakakatawang cheating strategy na narinig ko ay sa kapatid ko na nag-aaral ng medicine. May dance instructor sila at followers. Ang dance instructor ay ang nakapag-aral para sa exam at s'yang nagbibigay ng mga answers. Ang mga followers ay ang nasa paligid n'ya na kukuha ng answers sa kanya. Lagi daw kasing multiple choice ang type ng exams nila. Ang dance instructor ay gagawa ng mga steps at bawat step ay nag-sisignify ng isang letter. Ang left step ng left foot ay A. Ang right step ng right foot ay B. Ang right step ng left foot ay C. At left step ng right foot ay D.

Bago mag-exam, may rehearsal muna ng dance steps para mabilis na makukuha ng mga followers ang steps ng dance instructor.

Sa oras ng exam, kapag tapos na'ng magsagot ang dance instructor, gagawin na n'ya ang kanyang steps. Dire-direchong steps from 1 hanggang kung ilang numbers ang test. Kaya kailangang mabilis magsulat at magaling ang eye-hand coordination ng mga followers.

Pagkatapos makuha ng mga followers ang "steps" at nakumpleto na ang sagot (siyempre ang iba minamali nila para daw hindi mahalata), sila naman ang magiging dance instructors para kumalat ang "dance". Buong klase daw ang involved dito. May naka-toka kung ano ang pag-aaralan ng bawat isa para bawat isa ay may specialized "dance".

Naaalala ko noong pinagkukwentuhan namin ito. Tawa kami nang tawa. Aliw na aliw ang kapatid ko sa pagkukwento. Ganito din ako pag nagkukwento ng mga pandadaya ko sa exams sa school. At siguro, safe na sabihin na isa sa mga nakaka-aliw talagang pagkuwentuhan ang mga cheating strategies sa school.

Nababagabag ako ngayon sa tanong kung bakit ganito. Sigurado akong hindi lamang ako, ang pamangkin ko at ang kapatid ko ang na-aaliw sa kuwentuhang ganito. Bakit nakakatawang pagkwentuhan ang mga pandadayang hindi nabibisto? Nababagabag ako kasi madaming anak ang tanong na ito.

Una, bakit parang accomplishment ang pandadaya nang hindi nahuhuli?

Bakit pagkatuwa ang reaction at hindi guilt o pangja-judge kapag nagkukwento o may nagkukwento ng nakalusot na pandadaya?

Ito ba ay naka-angkla sa kultura ng Pilipino?

Kung naka-angkla sa sa kultura ng Pilipino, meron ba tayong problema sa values formation?

Meron na kayang mga Pilipinong sociologists or anthropoogists na nag-aral nito? (sila nga ba ang nag-aaral nito?)

Kung meron na'ng nakapag-aral, ano kaya ang kanilang findings?

Hindi ba ito puedeng sabihing national problem?

Ekonomiya ba talaga ang problema ng Pilipinas o values?

Bakit pagganda ng ekonomiya lagi ang bukambibig ng gobyerno? Hindi ba mahalaga din ang values?

Nitong mga nakaraang buwan, maganda ang pinapakita ng ekonomiya ng Pilipinas. Tayo ang nangunguna sa growth sa Asia. Wala sigurong kokontra kung sasabihin kong hindi tayo nagkukulang sa magagaling na econimists. Ang mga economists natin, nagsipagtapos sa America, sa Harvard, madami ang Cum Laude. Lahat sila nagsasabing economic growth ang kailangang pagtuunan ng gobyerno. Nagkaroon tayo ng dagdag na 2% sa sales tax (E-vat) para lumaki ang tax collection ng gobyerno. Lumaki ang revenues ng goberno hindi lamang dahil sa tax kundi dahil sa padami nang padaming remittances mula sa padami nang padaming OFW's. Meron tayong economic growth, pero bakit hindi tumataas ang kalidad ng buhay ng ordinaryong Pilipino? Mas malaki pa nga ang nawawala sa kanila dahil sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin dahil sa pagtaas ng sales tax.

Kakaunti ang alam ko sa macro-economics at gusto kong mas madaming maintindihan. Bakit gan'un? Effective ba sa pagtulong sa mahihirap ang vision ng gobyerno na economic growth sa pamamagitan ng pagtulong sa work force natin na mangibang bayan o magpapasok nang magpapasok ng foreign investors sa bansa?

Sabihin na nating dahil sa success ng gobyerno sa dalawang bagay na ito ay nagkakaroon tayo ngayon ng economic growth. Aanhin natin ang mas madaming pera kung endemic naman sa ating mga Pilipino ang dishonesty? Hindi ba mas maganda na contended tayo sa ating wants? Ang sabi sa economics, limited daw ang resources pero unlimited ang needs and wants natin. Totoo ba'ng unlimited ang needs and wants natin? Hindi ba may limit ang ating wants? Hindi ba kailangang lagyan natin ng limits ang ating wants?

Hindi ba mahalaga ding pag-aralan ang ating endemic na kultura ng pandadaya kasabay ng pagpapatuloy ng pagtatrabaho para sa economic growth? Hindi lang naman sa gobyerno merong pandadaya. Sabi ko nga, sa school, meron. Kahit sa nga mga bahay-bahay, meron. Noong nasa tindahan pa ako, may namimili sa aming nasa abroad ang kapatid. Nagpapagawa ng bahay ang kapatid n'ya sa abroad at s'ya ang naatasang mamili at magpasweldo sa mga tao. Itong namimili sa amin, kapag inuutusan n'ya akong pataasin ang presyo sa resibo para magka-cut s'ya, napapangiti s'ya. Dahil halos araw-araw s'yang nasa tindahan, naging komportable na s'ya sa amin at minsan sabi n'ya noong natanggap n'ya ang komisyon n'ya sa kuya ko, "Ayos, may pang-chicks na naman ako." At nagngitian sila ng kuya ko. At ngumiti din ako. Ano naman kaya ang magiging dating sa kanila kung hindi ako makikingiti?
Itong pandadayang ito, sa sa magkapatid na ito. Iisang bahay. Iisang pisa.

May kaibigan akong tumutulong sa business ng biyenan n'ya sa Tanuan. May tindahan ang biyenan n'ya na feeds sa palengke. Ang kuwento n'ya sa akin, sa isang araw daw maliit na ang P5,000 sa kinukuha ng anak ng biyenan n'ya sa benta ng tindahan. Kaya't araw-araw na pupunta ng bangko itong bayaw ng kaibigan ko, dalawa ang dala n'yang passbook, sa Mommy n'ya at sa sarili n'ya. Sarili n'yang ina ang kinukuhanan n'ya. Ang totoo, hindi na naman n'ya ito kailangang gawin dahil halos ibigay na nga sa kanya ang tindahan. Pero ginagawa n'ya yun at hindi n'ya yun tinatago sa kaibigan ko.

Bakit tayo ganito? Hinding-hindi ko tatanggapin na innate ito sa atin. There must be an explanation. There must be an answer.

Hindi na kailangang tumingin sa mga government officials. Sa akin na lang. Sa aking mga kapitbahay. Sa mga binibilhan ko sa palengke. We share this culture of cheating. At ang pinakanakakabagabag, we feel that sense of achievement pag nakakapanloko tayo nang hindi nahuhuli.

Sigurado akong hindi lang ako ang nakakaramdam ng sense of achievement kapag nag-u-turn ako sa no u-turn slot pero hindi ako nakita ng pulis. Bakit may sense of adventure ang pagsuway sa batas? Galit ba tayo sa authority? Meron ba tayong collective unconscious na manggoyo sa authority? Bakit parang collective unconscious sa ating mga Pilipino na isiping ok lang hindi sumunod sa batas basta't walang pulis?

Bakit kaya gan'un?

Heto na naman ako, thinking about the BIG things, ni hindi ko pa nga alam kung paano ako magtatanghalian. Hahaha. Laughter is a great tranquilizer of the agitated mind. :-)











No comments: