Sunday, January 6, 2008

Balon

Pamilyar na pamilyar sa akin ang nararamdaman ko ngayon. Lagi ko itong nararamdaman mula pa bata sa tuwing maririnig ko si Tatay na galit at nagtataas ng boses kay Nanay. Natatakot ako ngayon kasi, kapag galit si Tatay, nagpapalamon siya sa galit. Nakakatakot ang lakas ng boses niya, ang mata niya, lalong-lalo na ang mga sinasabi niya. Tuwing galit siya, ang pakiramdam ko ay lumiliit akong maliit na maliit, nagiging isang anim na taong bata, naka-bestidang dilaw, naka-stockings na puti, pipicture-an ako ni Tatay sa unahan ng kotseng pula, at bigla s'yang nagalit, nagngitngit ang ngipin at kinaladkad ako papalayo sa kotse habang sinigawan n'ya ako: bakit daw ako umupo sa kotse. Tuwing nagagalit si Tatay tulad ngayong gabi, may parte ng aking sarili na lumiliit, bumabalik ang naramdaman ko noong walong taon ako, dumaan ako sa may paanan ni Tatay habang nag-si-siesta siya sa folding bed at bigla n'ya akong sinipa sa tiyan dahil hindi ko sinasadyang masagi ang kanyang paa at sa lakas ng sipa niya ay napaupo ako sa sahig. Wala akong napagsumbungan dahil alam kong walang mas matapang kay Tatay sa bahay. Lahat ay takot sa kanya. Siguro dapat umiyak na lang ako noon para nakalabas ang nararamdaman ko noong mismong oras na iyon. Pero hindi ako umiyak noon. Hindi lagi ako nakaka-iyak noong bata ako. Kaya siguro, ang mga hindi ko naiiyak, hanggang ngayon nandito pa sa akin. Malalim na at mahirap nang salukin. Pero kailangan pa ring salukin dahil nakakabigat at hindi nakakatulong sa paglago ko bilang tao.

No comments: