Thursday, December 30, 2010

Dec



Hindi kami close. Ni wala nga akong natatandaang pagkakataong magkasama kami. Barkada n'ya ang bestfriends kong si S at si J. Iisang beses ko lang natatandaang nagkausap kami -- noong nakasalubong ko s'ya sa SM. May mga kasama s'ya, mga kasama daw n'ya sa work. Masasaya sila, naghaharutan. Pinakilala pa nga n'ya sa akin ang mga kasama n'ya. Yung isa dun team leader daw n'ya. Sa call center daw kasi s'ya nagtatrabaho.

Nag-chat kami isang beses sa FB, hindi ko matandaan kung bago o pagkatapos naming magkita sa SM. Tinatanong n'ya sa akin si J, kung may communication pa daw kami. Gusto daw niyang makausap si J. Ang tagal na daw na wala silang balita sa isa't-isa.

Yun lang ang natatandaan ko sa kanya -- pagkikita namin sa SM at chat sa FB. Natatandaan kong nakita ko siyang palabas ng isang gate sa isang apartment sa dinadaanan naming subdivision na short cut papuntang highway. "Dun pala si Dec nakatira," sabi ko sa sarili ko pero hindi ko na siya binati. Diretso lang pagda-drive.

Si Dec.

Birthday niya noong December 27. Mismong araw na yun, namatay siya. 30 years old. Ka-edad ko. Isa na namang untog sa realidad.

Nauntog ako at nagka-huwisyo:

Nasa tao nga pala ang kamatayan. Mamamatay lahat. Mamamatay ako. Kung kelan, hindi ko alam pero nasa akin ang kamatayan.

Mahirap sabihin pero ito ang totoo. Mamamatay ako. Mortal ako.

Magkausap kami ni J. kahapon, at dahil na rin kay Dec, napapunta ang usapan namin sa paglilista kung ano ang mahalaga. Relasyon sa Diyos. Pag-ibig. Relasyon sa tao. Ang pagiging malay sa ngayon.

Ang ngayon. Ang sanda-sandaling ngayon.

Hindi ko masasabing kaibigan ako ni Dec. Wala nga kaming masyadong pinagsamahan. Pero ngayong hatinggabi, tahimik akong nananalangin para sa kaluluwa niyang imortal. Nananalangin din ako para sa mortal kong buhay at ang pagtahak ko sa bawat dadating na ngayon.

No comments: