Thursday, December 2, 2010

Mga Bata sa Sitio Payong

Napakagugulo nila. Pag pinapapila mo sila, mag-uuna-unahan sila, magtutulakan hanggang sa magkasakitan. Hindi sila tumitigil magharutan. Takbuhan sila nang takbuhan kapag pinapaupo na lahat. Pag pinatahimik at pinaupo mo ang isang grupo, yung isang grupo naman ang tatayo at mag-iingay.


May mga batang lagi na lang gustong pumasok sa ilalim ng lamesa sa altar. Merong isang ang laging gusto ay patayin ang sound system pag may nagsasalita sa mic. May ibang bumiyabit na lang nang bumiyabit sa likod ng isang kasama namin. Ang ilang mga batang babae, gustong-gustong nakikipagharutan sa mga madreng foreigner.

Ganito lagi ang eksena tuwing Linggo pag pumupunta ako sa Sitio Payong para mag-volunteer sa children's values program ng Idente Missionaries, isang kongregasyon ng mga madre at pari mula sa iba't-ibang bansa sa mundo. Nakilala ko sila dahil 2 sa kanila ay naging Professor ko sa Spanish sa Instituto Cervantes.

Ang sabi ng isang madre, providence daw ang pagkakakilala ko sa kanila. Ang mga tao daw kasing nakikilala mo ay ibinibigay sa iyo ng DIyos para magturo sa iyo ng bagong direksyon.

Matagal na akong naghahanap ng volunteer work. Sa katunayan, 2 beses na akong umattend ng orientation sa Hands-on Manila. Isa ay noong 2008. Isa muli ngayong taon. Ang gusto kong salihang grupo ay yung mga nagpupunta sa mga ward ng batang may cancer at nagbabasa ng mga children's books sa mga bata.




Pero hindi ko alam kung bakit mailap ang Kythe Institute sa akin. Nagpunta ako dati sa National Kidney Institute para sa activity nila pero hindi ko nakita yung room kung nasa'n sila.

Sabi ni Paulo Coelho, kapag daw may pangangailangan ka, gagawa daw ng paraan ang uniberso para mapasaiyo ang pangangailangan na yun. Naniniwala ako dito. Noong nagkataong nagkasabay kaming maglakad ni Fatima at Angela. Noong nagkataong nabanggit nila na may program sila sa mga bata. Walang coincidences sa mundo. Lahat ng nangyayari ay panghihimasok ng uniberso sa ating buhay.

Nangangailangan ako ng isang kongkretong paraan para magpasalamat kay Tatay. Napakadami niyang sinakripisyo para sa amin. Napakasipag niyang magtrabaho. Noong huli naming masinsinang pag-uusap, ang sabi n'ya sa akin, maswerte daw ako kasi wala na daw akong poproblemahin buong buhay ko. Madami daw siyang naipundar.



Hindi ko yun tinanggap. Ang sabi ko, hindi ko yun kailangan. Yung pinag-aral n'ya ako sa maayos na school at nagkaroon ako ng skills para magtrabaho, sapat na yun sa akin.

Ang hinihintay n'ya siguro sa akin ay magpasalamat ako dahil inisip n'ya kaming pamilya n'ya at nagpapakahirap s'ya para maging komportable ang buhay namin.

Nangangailangan ako ng paraan para magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay n'ya sa amin kay Tatay. Labis-labis na blessings, simula nung nagkamalay ako.

Paano ako magpapasalamat kay Tatay, wala na siya?

At dumating si Fatima, si Angela at ang Idente sa akin. At katulad ng sabi ni Toni Gonzaga sa "My Amnesia Girl", pandesal lang ang pangangailangan ko, burger at french fries ang binigay sa akin. Hindi lang ako nagkaroon ng pamamaraan para makapagpasalamat, para ibalik sa iba ang blessings natatanggap ko. Bukod dun, natutugunan din ng pagpunta ko sa Sitio Payong at pakikipagtulungan at pakikisalamuha sa mga madre ang ispiritual kong pangangailangan.



Pinakamasarap na pakiramdam sa mundo siguro yung nakawala ka sa iyong desires sa iyong ego. Yung gumagalaw ka na hindi ka nagsisimula sa sarili mo kundi may isang enerhiyang hindi nagmula sa iyo ang nagpapagalaw sa iyo.

Naramdaman ko na ito dati. Yung makakapagsalita ka ng mga bagay na normally, hindi mo masasabi. Nakakagawa ka ng mga bagay na normally hindi mo magagawa. Being "beyond yourself", or "living from your higher self" sabi sa mga nababasa ko sa Theosophical Digest.

Dati, gustong-gusto kong pumunta sa India at maging mongha. Gusto kong maunawaan kung ano ang experiences nila, yung mga mystics at mga ascetics. Umattend ako ng workshop sa zen buddhism, sa Nanbudo, sa Tai Chi. Nag-aral ako ng yoga. Naging voracious reader ako ni Dalai Lama ng mga Indian mystics na hindi ko mapronounce ang mga pangalan.

Pero pareho lang naman pala sila ng sinasabi, lahat sila -- hindu, buddhist, mga zen buddhists, tibetan buddhists, mga ascetics sa India, Kristiano, katoliko -- na kapag kaisa mo ang Diyos, ok ka. Ang tao ay isang mangkok sa isang malaking karagatan. Ang akala n'ya lagi ang tubig na nasa loob n'ya ay kanya, na hiwalay s'ya. Hindi n'ya alam, ang tubig ay kaunting parte lang ng karagatan kung saan kasama s'ya.



Maiingay man, magugulo, mahaharot at pasaway ang mga bata sa Sitio Payong, napakahirap sa akin na hindi pumunta sa kanila kapag Linggo. Tinuturuan namin sila tuwing Linggo pero ako rin natututo ako sa kanila kahit hindi nila ako tinuturuan. Ang dami-dami kong narerealize na mga bagay-bagay sa pakikisalamuha sa kanila.

Maghapon akong stressed out dahil sa batch get together sa Sabado pero itong mga batang ito ni walang pambili ng tsinelas, ni hindi alam kung may hahapunanin sa darating na gabi o wala pero ang gaganda ng ngiti nila. Sarap tingnan ng mga pictures nila.








2 comments:

Coke said...

nice post shao! 8)

Shewolf said...

Thanks!

Tinatanong ka lagi nila, haha. Asa'n daw si Ate Nicole, yung Koreana. Haha!